Calendar
Ex-pulis huli na may patung-patong na kaso, huli sa Calatagan dahil sa ilegal na armas

KAMPO HENERAL MALVAR, Lungsod ng Batangas — Himas rehas ang isang dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos itong maaresto ng mga awtoridad noong Linggo ng gabi, ika-5 ng Hulyo sa isang resort, sa Brgy. Bagong Silang, Calatagan, Batangas.
Ang suspek ay dinampot dahil umano sa iligal na baril at may mga nakabinbing kaso ng pagpatay sa Calatagan, Batangas.
Siya ay kinilalang si alyas Jonathan, 48, at residente ng Brgy. Culiat, Quezon City.
Isinagawa ng Calatagan Municipal Police Station, Batangas Provincial Intelligence Unit, at PNP Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang operasyon bandang alas-7:30 ng gabi sa isang resort sa Brgy. Bagong Silang upang isilbi ang warrant of arrest laban sa suspek para sa mga kasong murder, dalawang bilang ng frustrated murder, at attempted murder.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang Glock 30 .45 caliber pistol sa loob ng isang tent.
Bagama’t nakapagpakita si alyas Jonathan ng valid firearm license at License to Own and Possess Firearms (LTOPF), nabigo naman itong magpakita ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence.
Nahaharap ang suspek sa paglabag sa Seksyon 31 ng Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

