Covid

COVID cases sa QC di dapat ikabahala

Jun I Legaspi Jul 6, 2026
58 Views

NAKARECORD ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon ng pagtaas sa kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na tatlong linggo.

Gayunpaman, binigyang-diin ng mga opisyal pangkalusugan ng lungsod na hindi ito dapat ikabahala sapagkat lahat ng naitalang kaso ay banayad at walang ebidensiya ng clustering o malubhang karamdaman.

Batay sa datos ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (CESD) mula sa mga ospital at health centers, nakapagtala ang lungsod ng 23 kumpirmadong kaso mula Mayo 21 hanggang Hunyo 10. Tumaas ito sa 84 kumpirmadong kaso mula Hunyo 11 hanggang Hulyo 1. Napag-alaman din ng CESD na ilang lungsod sa Metro Manila ay nakapagtala rin ng pagtaas ng kaso sa parehong panahon.

Mula sa simula ng taon, umabot na sa 146 kumpirmadong kaso ang naitala sa Quezon City sa pamamagitan ng masigasig na surveillance system ng lungsod.

Karamihan sa mga pasyente ay nakaranas ng sintomas na kahalintulad ng trangkaso gaya ng lagnat, ubo, at sipon, dahilan upang sila ay magpakonsulta sa mga ospital at health centers. Alinsunod sa pamantayang pangkalusugan, isinailalim sila sa COVID-19 testing na nagresulta sa pagkumpirma ng kanilang mga kaso.

Tiniyak ni Mayor Joy Belmonte sa mga residente na bagama’t mahigpit na mino-monitor ng lungsod ang sitwasyon, nananatiling kontrolado ang kasalukuyang trend.

“Tinitiyak namin sa publiko na mahigpit na mino-monitor ng pamahalaang lungsod ang mga pangyayaring ito. Bagama’t may pagtaas ng kaso, ito ay napakaliit na porsyento lamang ng kabuuang populasyon. Wala tayong nakikitang clustering ng kaso at lahat ng naitalang impeksiyon ay banayad at hiwa-hiwalay,” ani Mayor Belmonte.

“Patuloy na magbibigay ng angkop na medikal na interbensyon ang ating City Health Department sa pamamagitan ng mga health centers at ospital para sa mga residenteng makararanas ng kahalintulad na sintomas. Hinihikayat namin ang lahat na manatiling mapagmatyag, ngunit walang dahilan upang mag-panic. Ang pinakamainam na gawin ay agad na magpakonsulta kung may sintomas at ipagpatuloy ang simpleng hakbang sa pag-iwas upang maprotektahan ang sarili at ang kapwa,” saad nito.

Patuloy na nagbibigay ng libreng konsultasyong medikal, COVID-19 testing kung kinakailangan, at gamot para sa mga pasyenteng may sintomas ang 66 health centers ng lungsod.

Samantala, nakikipag-ugnayan ang CESD sa Department of Health upang magsumite ng mga sample para sa genome sequencing at matukoy ang variant ng COVID-19 na kasalukuyang umiikot sa komunidad.

Muling pinaaalalahanan ng City Health Department at CESD ang mga residente na magpakonsulta kung makararanas ng sintomas na kahalintulad ng trangkaso. Hinihikayat din ang publiko na magsuot ng face mask kapag may sakit o nasa matataong lugar, panatilihin ang tamang paghuhugas ng kamay, at sundin ang payo ng mga healthcare professionals upang maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon.