Calendar
Regional most wanted sa gahasa laglag Negros Occ.

KAMPO HENERAL MALVAR, Lungsod ng Batangas-— Laglag sa kamay ng batas noong Lunes ang isang itinuturing na Regional Most Wanted Person matapos ang matagumpay na operasyon ng Batangas Police Provincial Office sa Brgy. Lo-ok, Calatrava, Negros Occidental.
Kinilala ni Acting Provincial Director PCOL Oliver B. Ebora ang nadakip na suspek na si alyas Jordan, 57, tsuper, at residente ng Escalante City sa nasabing lalawigan.
Isinagawa ang pag-aresto ng Talisay Municipal Police Station, sa pakikipag-ugnayan sa Calatrava Municipal Police Station ng Negros Occidental.
Bitbit ng mga awtoridad ang Warrant of Arrest para sa krimeng panggagahasa na inisyu noong ika-12 ng Hulyo 2021 ng Regional Trial Court, Branch 83, Tanauan City, Batangas.
Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Gumamit din ang mga pulis ng Alternative Recording Device habang isinasagawa ang operasyon upang matiyak ang kredibilidad nito.
Matapos basahan ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine at Anti-Torture Act, pansamantalang dinala si alyas Jordan sa Calatrava MPS bago tuluyang ilipat sa Talisay MPS para sa kaukulang disposisyon.

