Lopez

Zuleika Lopez ihaharap ng House prosecution bilang testigo sa susunod na linggo

33 Views

IHAHARAP ng House prosecution bilang testigo sa susunod na linggo ang dating chief of staff ni Bise Presidente Sara Z. Duterte na si Atty. Zuleika Lopez, bilang pagpapatuloy ng paghaharap ng ebidensya sa harap ng Senado na nagsisilbing impeachment court.

Kinumpirma ito noong Miyerkules matapos linawin ni House prosecutor at Kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Iloilo na si Lorenz Defensor ang listahan ng mga testigong ihaharap sa susunod na yugto ng paglilitis.

Nakaiskedyul na tumestigo si Lopez kasunod ni Atty. Jeremy Lotoc, regional director ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa muling pagdinig ng paglilitis sa Lunes, Hulyo 13.

“Sa Lunes, Your Honors, ihaharap namin si Atty. Jeremy Lotoc. Sa Martes, ihaharap namin si Atty. Zuleika Lopez. At sa Miyerkules, ang aming ikatlong testigo ay si Capt. Belinda Bello,” sinabi ni Defensor sa impeachment court.

Sinabi rin ni Defensor na hindi muna kasama sa listahan ng mga testigong ihaharap sa susunod na linggo si NBI Director Melvin Matibag.

“Hindi pa po, Your Honor. Maghahain kami ng manifestation sa Lunes kung maaari siyang isama sa pagdinig sa Miyerkules, depende sa magiging takbo ng paglilitis at sa haba ng testimonya ng magkabilang panig,” tugon niya kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, na siyang presiding officer ng impeachment court.

Kasunod ng pahayag ng prosekusyon, iniutos ni Escudero ang pagpapalabas ng subpoena sa mga testigong nakatakdang humarap sa mga pagdinig mula Hulyo 13 hanggang Hulyo 15.

Nauna nang sinabi ng prosekusyon na balak nitong gamitin ang lahat ng 11 araw ng paglilitis na inilaan para sa paghaharap ng ebidensya kaugnay ng ikaapat na artikulo ng impeachment complaint, na nag-aakusa kay Duterte ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil sa umano’y seryosong pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at noo’y Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ang mga pagdinig sa susunod na linggo ay susunod sa pagtatapos ng dalawang araw na testimonya ni NBI Senior Agent John Mark Calilung, na naglatag ng pundasyon ng ebidensya ng prosekusyon sa ilalim ng Article IV.

Tinukoy ni Calilung ang napatunayang tunay na video at transcript ng livestream ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, mga screenshot na kinuha mula sa naturang video, at mga opisyal na pahayag ng mga ahensya ng pamahalaan bilang tugon sa kanyang mga naging pahayag.

Ipinaliwanag din niya ang mga digital forensic procedure ng NBI sa pagtukoy, pangangalap, pagpreserba, at pagpapatunay ng electronic evidence.

Inaasahang tatalakayin ni Lotoc ang naging konklusyon ng NBI na umano’y sinabi ni Duterte na kumuha siya ng isang assassin upang patayin ang Pangulo, ang Unang Ginang, at ang noo’y Speaker sakaling siya mismo ay mapatay.

Samantala, inaasahang magbibigay-liwanag si Lopez tungkol sa mga pangyayaring naganap kaugnay ng kanyang pagkakadetine ng House Committee on Good Government and Public Accountability, gayundin ang mga pangyayaring naganap bago ang livestream ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, na bahagi ng ebidensyang inihaharap ng prosekusyon sa ilalim ng Article IV.

Nakatakda ring tumestigo si Capt. Belinda Bello, executive director ng House of Representatives Legislative Security Bureau, na tatalakay sa pagpapatupad ng kautusan ng komite ng Kamara na ilipat si Lopez sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong.