Calendar
2,515 kilo ng iligal na kinatay na manok nakumpiska ng NBI sa Laguna


IPINATIGIL ng mga operatiba mula sa National Bureau of Investigation – Laguna District Office (NBI-LAGDO), katuwang ang National Meat Inspection Service (NMIS), ang mga operasyon ng hindi awtorisadong pagkatay at pagproseso ng manok sa tatlong lokasyon sa Sta. Rosa, Laguna araw ng martes.
Nagresulta ang operasyon sa pag-aresto sa dalawang lalaki at sa pagkumpiska ng mahigit 2.5 tonelada ng mga produktong karne.
Isinagawa ang operasyon matapos ang reklamo na inihain noong Hunyo 25, 2026, ng isang pribadong indibidwal.
Kinumpirma ng mga sumunod na imbestigasyon na ang mga nasabing pasilidad ay nag-o-operate nang walang kinakailangang permit mula sa lokal na pamahalaan at walang mandatoryong akreditasyon mula sa NMIS.
Umabot sa kabuuang 2,515.72 kilo ng manok na ilegal na kinatay at pinroseso ang nakumpiska sa mga pagsalakay.
Ang mga nakumpiskang produkto ay ipinasa na sa NMIS para sa nararapat na pagtatapon alinsunod sa mga pamantayang regulatori.
Ang dalawang suspek ay sumailalim na sa proseso at inquest proceedings dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10536, na kilala rin bilang Meat Inspection Code of the Philippines.

