Chinese

14 Koreans nahuli sa pagpatakbo ng back office facility

Jun I Legaspi Jul 10, 2026
36 Views

Chinese1INARESTO noong Hulyo 1 ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang 14 na South Korean nationals na umano’y sangkot sa ilegal na operasyon ng back office facility sa Angeles City, Pampanga.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng BI Intelligence Division Special Response Team (ID-SRT), na nagresulta sa pagkakaaresto ng 13 Koreanong lalaki at isang Koreana na natuklasang nagpapatakbo ng pinaghihinalaang ilegal na back-office facility.

Nagsimula ang operasyon mula sa mga ulat hinggil sa mga Koreanong pinaniniwalaang nagtatrabaho nang walang kaukulang pahintulot sa condominium sa Brgy. Pampang, Angeles City.

Nagtungo ang mga operatiba sa lugar at natagpuan ang 14 na Koreano na nagmamando ng isang back-office operation.

Sumailalim ang mga dayuhan sa beripikasyon at dokumentasyon matapos makita ng mga awtoridad ang indikasyon na sila ay sangkot sa ilegal na pagtatrabaho.

“The BI remains relentless in going after foreign nationals who exploit their stay in the Philippines by engaging in unauthorized business or employment,” ani Viado.

Binigyang-diin ni Viado na bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya ng BI laban sa ilegal na pagtatrabaho ng mga dayuhan at sa pagbuwag ng mga operasyon na isinasagawa nang palihim.

Ang 14 na Koreanong inaresto ay dinala sa BI main office para sa booking, biometric registration, records verification at kaukulang immigration proceedings.