Gatchalian

Magkatabing puwesto nina Gatchalian, Escudero makahulugan, hindi bago — Tongol

29 Views

SINABI ng tagapagsalita ng Senate Impeachment Court na walang kakaiba sa magkatabing puwesto nina Senate President Sherwin Gatchalian at Senator Francis “Chiz” Escudero sa impeachment trial, at inilarawan ito bilang makahulugang ayos na nagpapakita ng kanilang magkahiwalay na tungkulin.

Ayon kay Atty. Regie Tongol, spokesperson ng Senate Impeachment Court, magkatabing naupo sina Gatchalian at Escudero dahil ang isa ay namumuno sa Senado bilang legislative body, habang ang isa naman ay namumuno sa Senado bilang impeachment court.

“It is a symbolic gesture na they are equals, just doing different hats, wearing different hats,” sabi ni Tongol sa isang press briefing.

“Yung isa ay legislative head at yung isa impeachment court head. So walang kakaiba doon,” aniya.

Lumabas ang mga tanong tungkol sa seating arrangement matapos makitang magkatabi sina Gatchalian at Escudero sa rostrum sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Tongol na hindi dapat ituring na bago o kakaiba ang naturang ayos dahil nakita na ang kaparehong setup sa nakaraang impeachment proceeding.

“This is not a new optics,” sabi ni Tongol.

Binanggit niya ang impeachment trial ni dating President Joseph Estrada, kung saan si dating Chief Justice Hilario Davide Jr., bilang pinuno ng impeachment court, ay naupo sa tabi ni dating Senate President Aquilino Pimentel Jr., na namuno sa Senado bilang legislative institution.

“This was already an old optics from the time of the impeachment case of President Estrada,” sabi ni Tongol.

Si Escudero ang elected presiding officer ng impeachment court, habang nananatiling Senate President si Gatchalian.

Ipinapakita ng setup ang dalawang tungkulin ng Senado sa impeachment trial: nananatili itong legislative chamber, ngunit tumatayo rin bilang korte na dumidinig sa impeachment case.

Ang paglilinaw ni Tongol ay ginawa habang patuloy ang mga tanong sa courtroom procedure, tungkulin ng senator-judges at ayos ng institusyon ng Senado habang may trial.