Calendar
Operation Romanov kathang isip lamang — Barbers
BINIGYANG DIIN ni House prosecution panel spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers na ang di-umano’y “Operation Romanov” na ipinapakalat ng kampo ni Vice President Sara Z. Duterte ay likha lamang ng imahinasyon o kathang isip.
Sinabi ni Barbers na walang sapat na batayan ang umano’y “Operation Romanov” na ipinapakalat sa layuning guluhin ang kasalukuyang sitwasyon habang nagpapatuloy ang Senate impeachment trial at inilarawan ito ng dating mambabatas bilang likha lamang ng imahinasyon ng mga Duterte.
Ipinaliwanag ni Barbers na inimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang naturang alegasyon matapos itong lumabas sa imbestigasyon, ngunit wala umano silang nakitang ebidensiyang sumusuporta rito.
Dagdag pa ni Barbers, inimbitahan ng NBI ang mga taong iniuugnay sa naturang alegasyon upang makipagtulungan sa imbestigasyon, ngunit hindi umano sila tumugon.
“So, again, kung hindi magko-cooperate at hindi ma-substantiate ’yung sinasabing Romanov na ’yan, eh ’yan po ay figment of their imagination,” ayon kay Barbers.
Sinabi ni House prosecutor at Mamamayang Liberal (ML) Party List Rep. Leila de Lima na hindi mahalaga o immaterial sa impeachment case kung ano man ang umano’y nag-udyok kay VP Duterte na magbitaw ng mga pahayag na itinuturing na pagbabanta.
Nahaharap si Duterte sa “ikaapat na Article of Impeachment” dahil sa alegasyong “grave threats” at “inciting to sedition” kaugnay ng kanyang livestream noong Nobyembre 23, 2024, kung saan sinabi niyang may kinausap umano siyang tao upang patayin sina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Ginawa ni De Lima ang pahayag matapos igiit ng depensa ang umano’y “Operation Romanov” na inilarawan nitong isang umano’y plano upang patayin si Duterte at ang kanyang pamilya, at sinabing ito ang nagbunsod sa kontrobersiyal na mga pahayag ng Bise Presidente.
“Para sa amin po, immaterial ’yan. Para sa amin, hindi maaari nating sabihin na justified ’yung grave threats. Hindi po ’yan dapat gamitin na justification or reason,” wika ni De Lima.
Ayon sa kanya, ang umano’y pagbabanta ay naipahayag na at hayagang inamin mismo ni Duterte sa kanyang livestream.
To God be the Glory

