Ortega

Ortega: Prosekusyon kumpiyansang mapapatunayan mga banta ni VP Sara

31 Views

KUMPIYANSA ang House prosecution na mapatutunayan nito ang mga bantang pagpaslang na umano’y binitiwan ni Bise Presidente Sara Z. Duterte laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kaya maaari nang hindi iharap ang ilan sa kanilang mga testigo.

Sinabi ni Deputy Speaker Paolo Ortega V sa isang press conference noong Lunes na batay pa lamang sa mga alegasyon kaugnay ng umano’y mga pagbabanta ng Bise Presidente—na saklaw ng Artikulo IV ng Articles of Impeachment—nasa alanganin na ang kampo nito.

Ayon sa kanya, maaaring mas maikli pa sa 11 araw na itinakda ng Senate impeachment court ang presentasyon ng ebidensya para sa partikular na artikulong ito.

“Posibleng mas maikli siya kaysa doon sa inaasahan. Kasi, yari talaga sila dito sa threats, yaring-yari sila,” aniya.

Samantala, sinabi ni prosecution legal spokesman Jay Tolosa na inamin ng depensa ang mga bantang ginawa ng Bise Presidente sa unang linggo ng paglilitis noong nakaraang linggo, bilang tugon sa tanong ni Senadora Risa Hontiveros.

“Alalahanin natin, mismong abogado ng respondent ang umamin na ginawa niya ang pahayag na ito. Para maging tumpak, nang tanungin ni Senator Risa Hontiveros kung sinasabi ba ng depensa na ang mga pagbabanta ay bunsod ng pagkakadetine kay Zuleika Lopez, ang sagot ay, ‘Yes, Your Honor.’ Sa madaling salita, wala nang pagdududa o malinaw na sinabi talaga ang mga bantang ito,” ani Tolosa.

Sinabi rin ni Tolosa na inamin ng depensa ang pagiging tunay (authenticity) ng video recording ng online news conference ng Bise Presidente noong Nobyembre 23, 2024, kung saan paulit-ulit nitong binanggit ang mga pagbabanta laban sa Pangulo, Unang Ginang, at noon ay Speaker Romualdez.

Ayon sa kanya, lumabas ang pag-amin na ito sa cross-examination ng abogado ng depensa sa unang testigo ng prosekusyon na si NBI Agent John Mark Calilung.

“Nang iharap namin ang NBI agent na nagpatunay sa pagiging tunay ng video, una ay tila kinukuwestiyon nila ang kanyang kwalipikasyon at ang authenticity ng video. Ngunit kalaunan, kinilala rin nila ang pagiging tunay nito nang gamitin nila ang mismong video sa kanilang cross-examination,” dagdag ni Tolosa.