Rep. Hontiveros

Hontiveros nais imbestigahan ang ERC rules sa kwestyonableng singil sa kuryente

38 Views

NAGHAIN si Sen. Risa Hontiveros ng resolusyon para imbestigahan ang mga patakaran na maaaring mag-atas sa mga kabahayan na bayaran muna ang kwestiyonableng singil sa kuryente habang hindi pa nareresolba ang reklamo sa maling meter reading.

Sa Senate Resolution No. 509, nais ni Hontiveros na alamin kung sapat ang proteksyong ibinibigay ng Electric Power Industry Reform Act at Magna Carta for Residential Electricity Consumers sa mga kabahayang tumututol sa hindi pangkaraniwang singil.

“ERC has a mandate to protect electric consumers, but some of its current policies may be placing the burden on the very people it is supposed to protect,” sinabi ni Hontiveros.

Tinukoy din niya ang payo ng Energy Regulatory Commission na bayaran muna ang kwestiyonableng bill upang maiwasan ang posibleng pagputol ng serbisyo.

Ayon sa Meralco, hindi kailangang bayaran ng mga kostumer ang kinukuwestiyong halaga habang nirerepaso ang kanilang reklamo.

“Bakit nasa konsyumer ang responsibilidad na iwasto ang maling paniningil sa atin? Kailangan muna nating bayaran ang maling bill para hindi tayo maputulan, at kailangan tayo pa ang magpresenta ng mga patunay at dokumento,” tanong ni Hontiveros.

Ayon sa resolusyon, kinikilala ng Magna Carta ang karapatan ng mga konsyumer na kuwestiyunin ang kanilang bill ngunit hindi nito tinutugunan ang pasaning dulot ng biglaang mataas na singil at pangambang maputulan habang nakabinbin ang reklamo.

Mas naging mahalaga ang usapin habang nahaharap ang mga konsyumer sa mas mataas na singil sa kuryente. Binanggit sa kanyang pahayag ang P0.3428 kada kilowatt-hour na pagtaas sa generation charge ngayong buwan.

“Hindi puwedeng habang nahihirapan na ang mga konsyumer na itama ang maling billing, tayo rin ang sunod-sunod na sinasalubong ng pagtaas ng singil sa kuryente,” sinabi niya.