Chua

Chua sa mga tao: Tutukan mga ebidensya sa impeachment

Mar Rodriguez Jul 16, 2026
26 Views

HINIHIMOK nina Manila Rep. Joel R. Chua at private counsel Atty. Lorna Kapunan ang mga Pilipino na tutukan ang mga inilalatag na ebidensiya sa Senate impeachment trial at huwag ang mga maling impormasyon na ipinapalakat ng mga Die Hard Duterte Supporters (DDS).

Magpapatuloy ang prosekusyon sa pagpapaliwanag ng mga nangyayari sa paglilitis gamit ang simpleng pananalita upang madaling maunawaan ng mga ordinaryong Pilipino.

Ayon kay Chua, maririnig ng publiko hindi lamang ang mga dokumentaryo at testimonial na ebidensya, kundi pati ang mga salaysay ng mga testigo na sasailalim sa direct examination ng prosekusyon, cross-examination ng depensa, at mga paglilinaw mula sa mga senator-judges.

Ssi Ramil Madriaga bilang isa sa mga inaasahang testigo na ang mga nauna nitong pahayag ay maaaring masuri sa pamamagitan ng cross-examination kapag naiprisinta na ng prosekusyon ang kaukulang Article of Impeachment.

“Kaya hinihikayat natin ang ating mga kababayan na subaybayan ang impeachment trial nang sa ganoon ay hindi sila mapepeke,” ani Chua.

Inaasahang matatapos muna ng prosekusyon ang paglalatag ng ebidensya para sa Article IV, na tumatalakay sa umano’y pagbabanta ni Vice President Duterte kina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y House Speaker Ferdinand Martin Romualdez bago ito lumipat sa kasong may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.

Sinabi ni Atty. Lorna Kapunan na tumutulong sa House prosecution panel, na may karapatan ang publiko na makatanggap ng tama at wastong impormasyon tungkol sa mga ebidensya at argumento na inihaharap sa constitutional proceedings.