Calendar
Escudero ipinagbawal ang paliwanag sa korte sa pag-atras sa mga testigo
HINDI na pahihintulutan ang prosekusyon at depensa na magpaliwanag sa loob ng impeachment court kung bakit nila inaatras ang kanilang mga testigo, ayon sa ruling ni Presiding Officer Senador Francis “Chiz” Escudero.
Maaaring talakayin ng magkabilang panig ang kanilang mga dahilan sa pamamagitan ng kanilang mga tagapagsalita sa labas ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sinuportahan ni Sen.-judge Alan Peter Cayetano ang pagbabawal at sinabing maaaring mawalan ng sapat na pagkakataon ang kabilang panig na tutulan ang impormasyong inilalahad sa paliwanag sa halip na sa testimonya.
“The problem with explaining why you’re withdrawing is actually you are feeding to the court something they did not testify to and then something the defense cannot object to,” sabi ni Cayetano.
Maaaring magmukhang buod ng sana’y testimonya ng inatras na testigo ang paliwanag ng isang panig.
Iminungkahi ni Cayetano na sa press conference o ibang forum na lamang ipaliwanag ng mga partido ang kanilang desisyon.
Sinabi naman ni Sen.-judge Francis “Kiko” Pangilinan na una niyang pinaboran ang pagbibigay ng pagkakataon sa kabilang panel na tumugon kapag ipinaliliwanag ng isang panig ang pag-atras nito sa isang testigo.
“I would like to think, Mr. presiding officer, that would have been the better approach because this is an impeachment court,” sabi ni Pangilinan.
Maaaring maging mahirap para sa publiko na sundan ang paglilitis kapag labis itong nakatuon sa mga teknikal na tuntunin.
Gayunman, tinanggap niya ang ruling ni Escudero.
“But again, I will yield to the ruling of the chair. But just a reminder to everyone that technical rules of evidence does not apply strictly in impeachment court proceedings,” sabi ni Pangilinan.

