Barbers

Barbers: VP Sara, asawa ‘secret’ bank records mabubunyag na

Mar Rodriguez Jul 21, 2026
81 Views

WALANG LIHIM na hindi mabubunyag at walang baho na hindi sisingaw.”

Ito ang nais ipahiwatig ni House prosecution spokesperson Robert Ace Barbers at iginiit na malalantad ang anumang itinatago nina Vice President Sara Duterte kasama at asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio sa kanilang bank records matapos aprubahan ng Senate Impeachment Court ang subpoena para sa financial records ng mag-asawang Duterte.

Ayon kay Barbers, hindi na maitatago ang katotohanan sa nilalaman ng mga tax at financial records nina VP Sara at Atty. Carpio na itinuturing na Barbers na malaking tagumpay sa proseso para sa prosekusyon sa layuning patunayan ang mga alegasyon sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman.

Ibinasura ng mga senator-judges sa pangunguna ni Sen. Chiz Escudero ang pagtutol ng depensa at pinayagan ang pagpapalabas ng subpoena para sa mga bank records ng Bise Presidente, mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at iba pang financial records na itinuturing na mahalagang ebidensya sa impeachment proceedings.

Tinanggap ni Barbers ang desisyon ng impeachment court. Ayon sa kanya, malinaw nitong pinagtibay na walang sinumang opisyal ng pamahalaan ang maaaring gumamit ng pagiging kumpidensyal ng mga dokumento upang maitago ang mga ebidensyang mahalaga sa pagtukoy ng pananagutan sa isang impeachment trial.

Ayon pa kay Barbers, ang mga dokumentong saklaw ng subpoena ay magbibigay-daan sa prosekusyon upang masuri kung may hindi tugma sa idineklarang kita at mga ari-arian ng Bise Presidente kumpara sa mga transaksyong nakasaad sa kanyang bank records, AMLC records at tax records.

“Napakahalaga ng mga financial records na ito upang matukoy kung ang mga alegasyon ng unexplained wealth ay suportado ng dokumentaryong ebidensya,” dagdag ng dating kongresista.

Ang naging desisyon ng korte ay nagbigay-linaw sa mga legal na isyung ibinangon ng depensa hinggil sa Bank Secrecy Law at iba pang batas tungkol sa pagiging kumpidensyal ng mga financial records kaya maaari ng magpatuloy ang paglilitis sa pagtalakay ng mahahalagang ebidensyang pinansyal.

Binigyang-diin din ni Barbers na nananatiling nakatuon ang prosekusyon sa paghaharap lamang ng mga ebidensyang may kaugnayan, katanggap-tanggap sa batas at may sapat na bigat.

“Karapat-dapat ang sambayanang Pilipino na malaman ang buong katotohanan. Ang impeachment trial na ito ay hindi tungkol sa personalidad o pulitika kundi tungkol sa pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan,” ani Barbers.