Calendar
Moratorium sa interest payment sa LBP, DBP ng operators hihilingin ng DOTr
HIHILINGIN ng Department of Transportation (DOTr) sa Landbank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) ang pagbibigay ng moratorium sa pagbabayad ng interest sa inutang ng mga operators sa mga naturang bangko.
Ang utang na ito ang ginamit ng mga operators sa pagbili ng mga modern jeepney.
Ang hakbang na ito ay bilang tulong na rin sa mga operators sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo bunga ng krisis sa Middle East.
“Susulatan ko na rin po ang Landbank of the Philippines atsaka ang DBP para kahit papaano magkaroon tayo ng moratorium doon sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa pagbabayad po ng interest ng mga kinuhang modern na sasakyan ng ating mga operators,” ani DOTr Sec. Giovanni Lopez
Pinag-aaralan din ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapalawig ng P10 kada litro na fuel discount para mabawasan ang gastos ng PUV operators at drivers.
Ayon sa Kalihim, mas maigi din kung “targeted ang approach” sa paghahanap ng mga hakbang para matulungan ang mga tsuper na di naman makaka-bigat sa mga komyuter.
“Kasi if you will compute it, itong hinihingi na petition ngayon ng ating mga traditional at moderm jeep, that’s P300 and P500 additional na kita kapag pinagbigyan natin,” paliwanag ni Lopez.
Sa ilalim ng kasalukuyang ipinapatulad na P10 kada litrong Fuel Discount Program ng DOTr, ang mga kwalipikadong PUV at UV Express drivers ay maaaring mabenepisyuhan ng 150 liter ng langis o katumbas ng P1,500 sa isang linggo.
