Mendoza

LTFRB nagtakda ng limit sa booking fee para sa app-based taxis

Jun I Legaspi Jul 18, 2026
104 Views

NAGPATUPAD ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng limit sa booking o platform fee ng mga app-based na taxi.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II, bumuo ang Board ng Memorandum Circular (MC) No. 2026-055 bilang gabay sa mga taxi operator at digital booking platform providers.

Sa ilalim ng MC No. 2026-055, ang booking o platform fee ay hindi maaaring lumampas sa 20% ng kabuuang aprubadong pasahe o P60, alinman ang mas mababa.

Nilinaw ni Mendoza na ipatutupad ang itinakdang booking o platform fee sa lahat ng taxi na gumagamit ng online transport platforms.

Inatasan din ang mga operator na ipakita ang booking o platform fee sa fare computation, booking confirmation at electronic receipt.

Hindi rin maaaring maningil ng karagdagang booking fee, convenience fee, service fee, platform surcharge o iba pang kahalintulad na bayarin nang walang paunang pag-apruba ng LTFRB.

Binuo ang MC matapos makatanggap ang LTFRB ng mga reklamo at katanungan hinggil sa iba’t-ibang booking fees na sinisingil ng ilang taxi operator.

Ayon sa LTFRB, ang kawalan ng malinaw na patakaran sa booking fees ng mga taxi ay nagdulot ng hindi pare-pareho at hindi awtorisadong paniningil na nagiging sanhi ng kalituhan sa mga pasahero at hindi transparent na sistema ng pamasahe.

Saklaw ng patakaran ang lahat ng taxi operators at taxi units na gumagamit ng digital o app-based platforms.

Kabilang sa mga ipinagbabawal sa ilalim ng MC No. 2026-055 ang:

* Paniningil ng hindi awtorisadong booking fee, platform fee o convenience fee;
* Pagtatago o maling paglalahad ng mga singil sa pasahero;
* Dobleng paniningil o magkakapatong na booking-related charges;
* Paniningil ng bayaring wala sa aprubadong fare structure o electronic receipt; at
* Pagpapataw ng arbitraryo o dynamic booking charges nang walang paunang pag-apruba ng LTFRB.

Ang sinumang operator, platform provider, o driver na lalabag sa Circular ay maaaring patawan ng administratibong parusa, kabilang ang multa, suspensiyon o kanselasyon ng prangkisa o akreditasyon.