Hontiveros iniulat sa NBI daan-daang umano’y online death threats

34 Views

SINABI ni Sen. Risa Hontiveros na isinumite ng kanyang tanggapan sa National Bureau of Investigation ang mga pangalan at screenshot ng daan-daang Facebook users na umano’y nagbantang papatayin siya.

Ayon sa kanya, lumitaw ang mga banta matapos mapatay ang vlogger na si Alicia Lipata, na kilala bilang Mima Alicia. May ilan umanong nagsabing si Hontiveros na raw “ang susunod.”

“We are taking these threats seriously. My staff has routinely deleted and reported these disturbing comments on Facebook, and we have submitted to the NBI the names and screenshots of hundreds of Facebook users who have threatened to kill me,” sinabi ni Hontiveros.

Napatay si Lipata, 24, sa Brgy. 171, Caloocan City noong Hulyo 17 at nasugatan ang kanyang live-in partner.

Bumuo ang Northern Police District ng special investigation group upang matukoy ang mga salarin at malaman ang motibo.

Kinondena ni Hontiveros ang tinawag niyang sunod-sunod na death threats at mga komentong nagdiwang sa pagkamatay ni Lipata o nag-udyok ng karahasan.

“Sa halip na makiramay, may mga nagdiriwang sa gitna ng kamatayan at nag-uudyok pa ng karahasan. Ngayon naman, marami rin ang tahasang nagbabanta na ako daw ‘ang susunod,’” sinabi niya.

Nanawagan siya sa mga social media platform at law enforcement agency na kumilos sa mga iniulat na banta at komentong humihikayat ng pagpatay.

Hindi isinapubliko ni Hontiveros ang mga pangalan ng Facebook users na kanyang iniulat.

Kailangan pang patunayan at imbestigahan ang mga account, komento at screenshot. Hindi sinabi sa kanyang pahayag kung nagbukas na ang NBI ng pormal na kaso o kung may natukoy ng mga suspek.