Calendar
VP Sara, Mayor Baste pareho layunin kay PBBM–Garin
NANINIWALA si House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin na maaaring iisa lamang ang layunin ng magkapatid na Vice President Sara Z. Duterte at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte–ang “ipatumba” si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. bunsod ng magkapareho nilang pahayag.
Sinabi ng House Deputy Speaker na ang magkakatulad na pahayag ng magkapatid ay maaaring nagpapakita ng iisang layunin laban kay Pangulong Marcos Jr. at hindi dapat basta ituring na hiwa-hiwalay o bugso lamang ng damdamin.
“Well, it’s for the people to judge. Posible kasing hindi talaga siya sabwatan pero nandun ‘yung bugso ng damdamin,” ang pahayag ni Garin.
Nauna nang isinama ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga naturang pahayag sa patuloy nitong pagsusuri kung ang mga pagbabanta laban sa Pangulo ay bahagi ng isang paulit-ulit na pattern at isang aktibong banta sa pambansang seguridad.
Samantala, sa isang pagtitipon, sinabi naman ni Mayor Duterte na “isang ulo lang ang gusto namin,” na tumutukoy umano sa ulo ni Pangulong Marcos, Jr.
“Ang masasabi mo lang noon is may posibilidad na talagang intention nila kasi naririnig mo hindi lamang sa isang tao kundi sa magkapatid na parehong opisyal,” diin ni Garin.
Binigyang-diin din ng Iloilo solon na kapwa halal na opisyal ng pamahalaan ang magkapatid na Duterte at inaasahang sumusunod sa mga tungkulin at pamantayang itinakda para sa mga lingkod-bayan.
Ayon pa kay Garin, ang paulit-ulit na pagbanggit ng karahasan laban sa Pangulo ay kabilang sa mga pangyayaring sinusuri ng mga imbestigador upang matukoy kung ang mga naturang pahayag ay nagpapakita ng intensyon at kakayahang lumampas sa simpleng retorikang pampulitika.
“At ramdam mo ‘yung sama ng loob, the anger, the emotions that can lead na talagang gagawin nilang isang bagay dahil galit sila,” ani Garin.
Sa ilalim ng Article IV ng Articles of Impeachment, nahaharap si Vice President Duterte sa mga kasong betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution at high crimes kaugnay ng umano’y mga pagbabanta niya laban kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Romualdez.
Naninindigan ang House prosecution panel na ang mga naitalang pahayag ni Duterte at ang mga pangyayaring nakapalibot dito ay mahalagang suriin upang matukoy kung karapat-dapat pa siyang manatili sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.

