Calendar
Hiniling ni Gatchalian na audit sa 2026 power audit pinayagan ng ERC
PUMAYAG ang Energy Regulatory Commission na unahin ang 2026 audit sa fuel costs na ipinapasa sa electric bills matapos aminin na hindi lubusan ang kasalukuyan nitong pagsusuri sa mga presyo.
Hiniling ni Senate President Sherwin Gatchalian ang panibagong fuel pass-through audit upang malaman kung makatwiran at naaayon sa market rates ang singil sa coal, liquefied natural gas at iba pang ginagamit sa paglikha ng kuryente.
“Mag-request kami ng another round of audit kasi may spike na naman ngayon. Itong Iran conflict created the spike,” sinabi ni Gatchalian sa joint Senate committee hearing.
“So may I request through the committee, through the chairman to conduct an audit—2026 itong time frame—para makita natin kung iyong pass-through na pinapasa sa atin is reasonable and at market rates,” dagdag niya.
Sinabi ni ERC Chairperson and Chief Executive Officer Atty. Francis Saturnino C. Juan na uunahin ng komisyon ang audit.
“Yes, Mr. Chair. We will prioritize that work over the other pending work so we can submit as soon as possible the results,” sinabi ni Juan.
Dumating ang pangako matapos aminin ni Juan na may puwang sa pagsusuri ng regulator sa fuel costs na ipinapasa ng generation companies.
“So, in short, the regulator is not checking the right prices for fuel pass-on. Tama?” tanong ni Gatchalian.
“Yes po, not thoroughly,” sagot ni Juan.
Nilinaw ni Gatchalian na hindi niya sinasabing napatunayan nang sobra ang singil sa consumers.
“Para maging confident naman kami na iyong mga pinapasa sa atin is reasonable. I’m not even saying na over, okay lang kung under, pero what we want is reasonable siya at hindi tine-take advantage itong situation,” sinabi niya.
Ayon sa kanya, nasa 60 porsiyento ng electric bill ang generation charge. Binanggit din niyang tumaas ang residential rate na kanyang sinuri mula P11.74 kada kilowatt-hour noong Enero 2025 tungong halos P14 kada kWh.
Iginiit ni Gatchalian na dapat independiyenteng suriin ng ERC ang fuel costs sa halip na umasa lamang sa distribution utilities sa pag-check sa billings ng suppliers.
“Hindi natin puwedeng asahan na they will self-audit. Tama? The regulator should still come in,” sinabi niya.
Ayon kay Juan, ang distribution utilities ang unang may tungkuling tiyaking naaayon sa approved power supply agreements ang billings ng suppliers.
Inamin naman niyang kailangan pa itong beripikahin ng ERC at dapat magtakda ng audit procedures para sa fuel pass-through charges.
Sinabi rin ni Juan na hindi nakabuo ng matibay na konklusyon ang naunang audit noong bandang 2023 matapos gumamit ng confidentiality clauses ang ilang generation companies at hindi magsumite ng hinihinging fuel-supply documents.
Naglabas umano ang ERC ng show-cause orders dahil sa hindi pagsusumite ng mga dokumento.
Binanggit ni Gatchalian ang isang kontrata ng South Premiere Power Corp. na sinabi niyang may P7 kada kWh na bid rate, ngunit umabot sa halos P13 kada kWh ang ipinasa sa consumers noong Hulyo.
Nagbabala si Juan laban sa direktang paghahambing sa dalawang halaga dahil maaaring kasama sa aktuwal na singil ang capital recovery, operations and maintenance, fuel at iba pang components na sakop ng mga limitasyon sa kontrata.
Sinabi rin niyang may detalyadong confirmation process ang ERC kada tatlong taon upang suriin ang mga dokumentong sumusuporta sa mga generation charge na naipatupad na.
Nanindigan si Gatchalian na kailangan ng consumers ang mas maagap at masusing pagsusuri.
“Bottom line is, kailangan mong i-audit iyong mga pass-through charges. Kailangan ma-assure kami, mga consumers, na iyong pinapasa sa atin, hindi labis-labis,” sinabi niya.
“Kasi bulag tayo pagdating sa pass-on. Ang gobyerno, bulag pagdating sa pass-on,” dagdag niya.
Hiniling din ni Gatchalian ang mas malakas na audit powers at mga pananggalang laban sa naantalang regulatory resets sa panukalang pagbabago sa ERC charter.
Nangako si Juan na magsusumite ng mga panukalang hakbang upang hindi na maulit ang mga delay.

