Calendar
Maaaring ipalabas ng Senado tax records ni VP Duterte kahit walang OK ni PBBM
BINIGYANG-DIIN ni House prosecution panel spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers na maaaring gamitin ng Senate Impeachment Court ang kapangyarihang ipinagkaloob dito ng Konstitusyon upang ipalabas ang tax records ng respondent na si Vice President Sara Z. Duterte nang hindi na kinakailangang hintayin ang pag-apruba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Barbers, sapat ang kapangyarihang konstitusyonal ng impeachment court upang makuha ang mga rekord na itinuturing nitong mahalaga at may kaugnayan sa kasong “unexplained wealth” laban sa Bise Presidente.
“Hindi naman sa ngayon kailangan ng approval ng ating Ehekutibo o ng ating Pangulo ‘yung pagbibigay ng authority para ilabas ito ng BIR (Bureau of Internal Revenue). Because with the powers extended to the Impeachment Court, they can exhaust all these powers if they believe this BIR box is a relevant and material evidence in the trial,” paliwanag ni Barbers,
Nauna nang pinagbigyan ng Senate Impeachment Court ang kahilingan para sa subpoena sa tax records ni Duterte, ngunit nilinaw ng hukuman na ang paglalabas ng mga ito ay dapat pa ring sumunod sa mga umiiral na patakaran sa pagiging kumpidensyal ng impormasyon ng mga nagbabayad ng buwis.
Ipinahayag pa ni Barbers, dating chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na hindi dapat maging hadlang ang mga probisyon ng ordinaryong batas upang mapigilan ang Senado sa pagkuha ng mga dokumentong kinakailangan nito sa pagtupad sa eksklusibong tungkulin nitong litisin at magpasya sa isang impeachment case.
“Then by the power extended by the Constitution to the Impeachment Court, they can already summon or subpoena these documents and make it public,” diin ni Barbers.
Hiniling ng prosekusyon ang mga rekord mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) upang maikumpara ang idineklarang kita ni Duterte sa kanyang mga ari-arian, mga transaksiyong pinansyal, at mga iniulat na interes sa negosyo.
Bahagi ang mga dokumentong ito ng pagsisikap ng prosekusyon na matukoy kung maipapaliwanag ng lehitimong kita ang yaman na naipon umano ni Duterte habang siya ay nasa serbisyo publiko.
“Kasi ‘yun nga ang aming prayer na lahat po ito ay hindi ito gawa-gawa o haka-haka lamang,” paliwanag ni Barbers.
Ang pagpapalabas ng subpoena ay kasunod ng pasya ng impeachment court na sapat ang ipinakitang batayan ng prosekusyon upang maipakitang may kaugnayan at mahalaga ang mga hinihinging rekord sa mga alegasyong nakasaad sa Article II ng Articles of Impeachment.
“Lahat po ng aming ebidensyang hinihingi na ipa-subpoena ay dulot ng investigation na ginawa sa Committee on Justice at ito ay may mga legal na mga basehan,” dagdag ni Barbers.

