Kapunan

Depensa ni VP Sara inaatake na lang mga testigo — Kapunan

Mar Rodriguez Jul 23, 2026
42 Views

BINIGYANG-DIIN ni House private prosecutor Atty. Lorna Kapunan na nabigo ang defence team ni Vice President Sara Z. Duterte na mapasubalian ang mga ebidensiyang inilatag o iniharap ng House prosecution team kaya binabalingan na lamang nila ang mga testigo sa pamamagitan ng pag-uungkat nila sa personal na buhay ng mga ito.

Iginigiit ni Kapunan, abogado de campanilla, na mas pinili na lamang ng depensa na ungkatin ang personal na buhay ng mga testigo kasama na dito ang mga nakaraang kaso at mga personal na ugnayan ng mga taong may kaugnayan sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa halip na tutukan ang mga isyung may kinalaman sa kaso.

Sinabi pa ni Kapunan na bumabaling ang depensa sa pag-atake sa personalidad ng mga testigo ng prosekusyon matapos umanong mabigong gibain ng depensa ang mga katotohanan at legal na batayan ng kasong impeachment laban sa Bise Presidente.

Ayon kay Kapunan, nagbago ang estratehiya ng depensa matapos itong hindi magtagumpay na pasubalian ang mga ebidensyang iniharap ng prosekusyon sa ilalim ng Article IV ng Articles of Impeachment.

“We just say this as a general strategy, alam n’yo sabi naming mga lawyers, if you’re weak on the facts and the law, go against the person,” sabi ni Kapunan .

“So ang nangyayari po ngayon, sana if there is a perception that we’re very strong on the facts, that’s why nag-shift sila sa law. But now it seems that they are weak on the law, nagshi-shift na ang defense sa personalities, attacking the credibility of our witnesses, attacking some persons who are not even our witnesses,” diin ni Kapunan.

Ayon pa sa batikang abogada, umabot pa sa puntong kinuwestiyon ng depensa ang kredibilidad ng mga taong hindi naman iniharap bilang testigo ng prosekusyon at hindi rin saklaw ng kanilang testimonya.

“Like to say that they committed crime or they are not credible,” dagdag ni Atty. Kapunan.

Tinukoy rin ni Kapunan ang umano’y pagtatangka ng depensa na idawit ang isang indibidwal sa kasong perjury kahit hindi naman ito kabilang sa kanilang mga testigo.

“Merong nga inatake na cited for perjury na hindi naman namin witness,” ani Kapunan.

Binalikan din umano ng depensa ang mga lumang alegasyon at kasong isinampa laban sa naunang dalawang testigo ng NBI na tumestigo tungkol sa pagpapatunay at imbestigasyon sa mga naitalang pahayag ni Duterte.

“And when that failed, there was an attack on our earlier two witnesses saying that maniniwala ba kayo na even the two earlier witnesses who were credible and competent, the attack now was on their conviction or may kaso and all that,” paliwanag ni Kapunan.

Sinabi ni Kapunan na masusing sinuri ng prosekusyon ang kwalipikasyon at rekord ng kanilang mga testigo bago sila iharap sa impeachment court.

“Which is why we very much welcome the statement of Cong. Jinky when she says, they have been vetted, and there are no pending cases or convictions against them,” aniya.

Iginiit din niya na ang simpleng alegasyon o nakabinbing reklamo ay hindi sapat upang sirain ang kredibilidad ng isang testigo kung wala namang hatol na pagkakasala sa isang krimeng may kinalaman sa moral turpitude.

“And citing the law also, Chair Jinky did say that pending case will not – if there is no crime conviction for a crime of moral turpitude, it will not affect your credibility as a witness,” dagdag ni Kapunan.