Tolosa

Dapat ituloy ang trial kahit pa magbitiw si VP Sara

Mar Rodriguez Jul 23, 2026
37 Views

Ridon1NANININDIGAN ang House prosecution panel na dapat parin ituloy ang proseso ng Senate Impeachment Trial kahit pa magbitiw sa puwesto ang respondent na si Vice President Sara Z. Duterte.

Nang tanungin kung ano ang magiging epekto ng sakaling pagbibitiw ni VP Sara sa nakabinbing impeachment case, sinabi ni House prosecutor at Bicol Saro Party List Rep. Terry Ridon na igigiit ng hanay nh prosekusyon na dapat pa ring magpatuloy ang paglilitis laban sa Pangalawang Pangulo.

“Dapat magpatuloy pa rin po iyong paglilitis,” maikling pahayag ni Ridom sa posibilidad na magbitiw si VP Duterte habang gumugulong ang nasabing paglilitis.

Ipinaliwanag ni Ridon na ang impeachment ay hindi lamang tungkol sa pagtanggal sa puwesto ng sinomang opisyal ng pamahalaan na nagkasala sa batas, kundi pati na rin sa posibilidad na habambuhay na madiskuwalipika sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

“Hindi lang naman iyong pagtanggal ang pinag-uusapan dito. Ang pinag-uusapan din po dito iyong habambuhay na hindi pagiging taong-gobyerno,” dagdag pa ng mambabatas.

Ayon sa Saligang Batas, ang hatol sa impeachment ay maaaring magresulta sa pagtanggal sa puwesto at diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang pampublikong posisyon. Gayunman, nananatiling usaping legal kung dapat bang ipagpatuloy ang paglilitis kapag nagbitiw na ang isang opisyal.

Nauna nang sinabi ng prosekusyon na hihilingin nila sa Senate Impeachment Court na ipagpatuloy ang paglilitis kay Duterte sakaling siya ay magbitiw sa puwesto ngunit kinilala nilang ang hukuman pa rin ang may huling pasya kung ano ang magiging epekto ng anumang pagbibitiw.

Sabi pa ni Ridon na sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na anomang impormasyon patungkol sa posibilidad ng pagbibitiw ng Pangalawang Pangulo.

“Wala. Sa bahagi ko po, wala pa akong narinig na ganoong kuwento,” ayon kay Ridon.

Binanggit naman ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang kaso ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez na na-impeach ng Kamara noong Marso 2011 ngunit nagbitiw sa puwesto bago ang nakatakdang paglilitis sa Senado. Dahil dito, inarkibo (archive) ng Senado ang kanyang impeachment case.

Paliwanag Adiong, naiiba ang kaso ni Duterte dahil nagsimula na ang impeachment trial at nakuha na ng Senado ang hurisdiksyon sa Articles of Impeachment.

“Even if she resigns, for example, it will not absolve—it will not even terminate the impeachment trial, because the only way to terminate the impeachment trial is for the court to finally reach a decision,” ayon kay Adiong na nagpapahayag ng paninindigan ng prosekusyon.

Sinabi rin ni House legal private prosecutor at prosecution spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa, Jr. na ang pagbibitiw ay hindi dapat maging paraan upang maiwasan ang mga posibleng kaparusahan sakaling mapatunayang nagkasala ang isang opisyal.

“Ang mga kaparusahan na nakalagay sa Saligang Batas ay hindi puwedeng takasan sa simpleng pag-resign,” ani Tolosa.

Ipinaalala rin ni Tolosa na natapos na ng prosekusyon ang presentasyon ng ebidensya kaugnay ng Article IV, na may kinalaman sa umano’y grave threats, at pinayagan na rin ng Senate Impeachment Court ang kahilingan ng prosekusyon na mag-isyu ng mga subpoena para sa mga financial records na may kaugnayan sa alegasyon ng unexplained wealth.

Ayon kay Tolosa, pinatutunayan ng mga hakbang na ito na nararapat lamang na ituloy ang impeachment trial at hindi ito awtomatikong matatapos dahil lamang sa pagbibitiw ng respondent.

Gayunman, nilinaw ni Ridon na maipapahayag lamang ng prosekusyon ang kanilang posisyon kung sakaling mangyari ang naturang sitwasyon at ang Senate Impeachment Court** pa rin ang may huling kapangyarihang magpasya.

“Sa dulo’t dulo naman po, ang Senate impeachment court po iyong magpapasya diyan sa bagay na iyan,” pagtatapos ni Ridon.