Ridon1

Nakabinbing kaso ay di matik nagdidiskuwalipika sa testigo –Ridon

Mar Rodriguez Jul 23, 2026
40 Views

BINIGYANG linaw ni House prosecutor at Bicol Saro Party List Rep. Terry Ridon na ang pagkakaroon ng reklamo o nakabinbing kaso laban sa isang testigo ay hindi awtomatikong nagbabawal sa kanya na tumestigo tungkol sa mga bagay na personal niyang nalalaman o nalaman sa kanyang opisyal na tungkulin.

Ipinaliwanag ni Ridon na magkaibang usapin ang pagiging kwalipikado ng isang testigo at ang isyu ng partisipasyon ng mga senator-judge na maaaring may kinakaharap ding magkakahiwalay na kaso, dahil magkaiba ang mga patakaran at institusyong nagpapasya sa mga ito.

Ang paglilinaw ay ginawa matapos ang pahayag ni Senator-Judge Robinhood Padilla hinggil sa aniya’y “double standard” sa pagtrato sa mga testigong iniharap ng prosekusyon at sa mga miyembro ng Senate Impeachment Court.

“Sa usapin ng paglalatag ng testigo, ang aktuwal na pagkakaroon ng kaso ay walang impact doon sa pagpapaupo sa kanila sa witness stand,” ang paliwanag ni Ridon.

Ayon sa kongresista, ang mahalagang tanong ay kung may kaugnay na kaalaman ang testigo at kung may kakayahan itong magbigay ng testimonya tungkol sa kanyang trabaho o sa mga pangyayaring kanyang nasaksihan. Maaari aniyang talakayin sa cross-examination ang anumang hiwalay na reklamo laban sa testigo kung nararapat, ngunit hindi nito awtomatikong binubura ang halaga ng kanyang testimonya.

“Kung ang binibigay ng testigo ay patungkol sa kanilang aktwal na trabaho at maayos naman ang kanilang trabaho, tingin ko walang dapat na epekto kung may kaso,” dagdag ni Ridon.

Sinabi rin ni Ridon na kahit ang isang taong may naunang hatol ng pagkakasala ay hindi awtomatikong pinagbabawalang tumestigo.

“In fact, kahit may conviction ang isang tao, puwede pa rin siyang iupo sa witness stand kung talaga naman siya ay saksi sa isang particular na pangyayari,” ani Ridon.

Ayon sa Revised Rules on Evidence, ang pagkakaroon ng criminal conviction, maliban kung may ibang itinatadhana ang batas, ay hindi batayan upang awtomatikong madiskuwalipika ang isang taong may kakayahang makaalam ng mga pangyayari at maipahayag ang mga ito.

Gayunman, maaari pa ring suriin ang isang conviction o iba pang usaping may kinalaman sa kredibilidad ng testigo, at ang impeachment court ang magpapasya kung tatanggapin ang testimonya at kung gaano ito kabigat bilang ebidensya.

Inilapat ni Ridon ang prinsipyong ito kina NBI Agent John Mark Calilung at NBI Regional Director Jeremy Lotoc, ang unang dalawang testigo ng prosekusyon sa ilalim ng Article IV.

Ang kanilang mga testimonya ay tumalakay sa pagpapatunay ng digital na ebidensya at sa imbestigasyon ng NBI kaugnay ng mga naitalang pahayag ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Ridon, ang mga isyung ibinabato laban sa dalawang opisyal ay hindi awtomatikong nangangahulugan na wala silang kakayahang tumestigo tungkol sa kanilang mga opisyal na tungkulin.

Samantala, sinabi niyang ibang usapin ang partisipasyon ng mga senator-judge dahil nakabatay ito sa hiwalay na proseso kung maaari pa silang magpatuloy bilang miyembro ng impeachment court habang may kinahaharap na ibang kaso.

“Sa kabilang bahagi, ang usapin ng participation ng senator-judges dito sa impeachment proceedings natin sa Senado ay isang bagay na nakadepende sa mga korte na may jurisdiction sa kanila,” ani Ridon.

Binigyang-diin niya na walang kapangyarihan ang prosekusyon na basta alisin ang isang senator-judge o idikta ang magiging resulta ng anumang hiwalay na kasong kinakaharap nito.

“Ang magiging mapagpasya rito ay ang Senado mismo at ang korte na talagang naglilitis ng kanilang mga kaso,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni House prosecutor at Dinagat Islands Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao na ang pangunahing tungkulin ng mga senator-judge ay tiyaking patas nilang pakikinggan ang magkabilang panig at maingat na susuriin ang mga ebidensyang ihaharap.

“Pero ang ibig sabihin ay binigyan mo ng patas na pagkakataong unawain, intindihin ang mga ebidensya,” ani Bag-ao.

Ayon sa kanya, dapat malinaw na maihiwalay ng hukuman ang simpleng alegasyon sa aktuwal na ebidensya, gayundin ang pagiging kwalipikado ng isang testigo sa bigat na ibibigay sa kanyang testimonya.

“Sa dulo, magde-decide ka batay sa kung napatunayan ba ang mga allegation. Definitely, magde-decide ka for or against,” dagdag niya.

Iginiit ni Bag-ao na dapat tiyakin ng mga senator-judge na ang kanilang magiging pasya ay nakaayon sa batas at sa Konstitusyon.

“Ang atas na ibinigay sa kanila bilang mga huwes ay siguraduhin na ang magiging desisyon ay naaayon sa batas, sa ating Constitution, bilang mga public officials,” aniya.