Calendar
Financial, tax records ni VP Sara nakabatay sa ebidensiya, di chismis — Barbers
IGINIGIIT ni House prosecution team spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers na ang financial at tax records ng respondent na si Vice President Sara Z. Duterte ay nakabatay sa mga ebidensiya at hindi sa espekulasyon at chismis lamang.
Binigyang-diin ni Barbers, dating Chairman ng House Quadropole Committee, na ang mga nasabing dokumento ay nakabatay sa mga ebidensyang natuklasan sa isinagawang imbestigasyon ng Kamara de Representantes at hindi isang pagtatangkang mangalap lamang ng ebidensya nang walang sapat na batayan.
Ayon kay Barbers, bawat uri ng rekord na hinihiling ng prosecution ay suportado ng mga natuklasan sa imbestigasyon at may malinaw na legal na batayan.
“Kasi ‘yun nga ang aming prayer na lahat po ito ay hindi ito gawa-gawa o haka-haka lamang,” ani Barbers.
Pinagbigyan ng Senate Impeachment Court ang karamihan sa mga kahilingan para sa subpoena matapos nitong pasyahan na ang mga hinihinging rekord ay malinaw ang pagkakalarawan, madaling matukoy, at may “prima facie” na kaugnayan at kabuluhan sa Article II ng Articles of Impeachment.
Sa naturang desisyon, ibinasura rin ng impeachment court ang pahayag ng depensa na ang House prosecution ay nagsasagawa lamang ng isang “fishing expedition” o walang batayang paghahalungkat sa mga pananalapi ni Duterte, ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio at ng mga kaugnay na entidad.
“Lahat po ng aming ebidensyang hinihingi na ipa-subpoena ay dulot ng investigation na ginawa sa Committee on Justice at ito ay may mga legal na mga basehan,” diin ni Barbers.
Kabilang sa mga hinihinging dokumento ang partikular na mga rekord sa bangko, mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), at mga rekord sa buwis na layong patunayan ang mga ari-arian, transaksyon, pinagkukunan ng kita at iba pang interes sa pananalapi ng mag-asawa.
Nauna nang nakatanggap ang Kamara ng impormasyon hinggil sa mga covered transactions at suspicious transactions subalit sinabi ng prosecution na kinakailangan pa ring makuha ang mismong mga dokumento upang masuri at maiprisinta bilang ebidensya sa paglilitis.
“Because we believe that if these documents, if this evidence will be shown to the senator-judges, they will be able to come up with a very convincing opinion on the issue,” paliwanag ni Barbers.
Sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment, inaakusahan si Duterte na hindi niya ganap na isiniwalat ang kanyang yaman at umano’y nakapag-ipon ng mga ari-ariang hindi naaayon sa kanyang legal na kinikita.
Ayon kay Barbers, ang mga rekord na hinihingi ay magbibigay-daan sa mga senator-judges na maikumpara ang mga idineklara ni Duterte sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) sa mga aktuwal na transaksyon at aktibidad pinansyal na natukoy sa imbestigasyon ng Kamara.
“Kung kaya kami naniniwala na kapag ito’y nakita ng ating senator-judges, it will now strengthen the case against the respondent,” dagdag ni Barbers.
