Calendar
Kelot inaresto sa pambabato ng mga sasakyan sa Osmena Highway
TIMBOG ang 29-anyos na lalaki na suspek sa pambabato ng mga sasakyan sa Osmeña Highway matapos inguso ng isang residente sa mga pulis noong Sabado sa Makati City.
Minura pa ni alyas Armando ang mga tauhan ni Makati police chief P/Col. Pedro Alagano, Jr. kaya’t puwersahan siyang pinosasan at dinala sa Police Sub-Station-4 ng Makati police.
Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, alas-12:15 ng hatinggabi nang masaksihan ng mga pulis ang pambabato ng suspek sa mga sasakyan sa kanto ng Osmeña Highway at Cailles St., Brgy. Bangkal.
Nang halughugin ang kanyang backpack, nakuha ang kalibre .38 revolver na walang permit at kargado pa ng isang bala.
Bukod sa kasong Resistance and Disobedience to a Person in Authority at Alarm and Scandal, sasampahan din ng Makati police ang suspek ng paglabag sa R.A.10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa Makati City Prosecutor’s Office.
