Calendar
Retiradong bank manager kay Sen. Raffy: ₱125M inilabas sa 3-4 gym bag, walang armored vehicle
ANG ₱125-milyong cash withdrawal ng Office of the Vice President (OVP) ay inilagay sa tatlo hanggang apat na gym bag at inilabas sa sangay ng Land Bank of the Philippines (LandBank) sa Shaw Boulevard nang walang armored vehicle, ayon sa testimonya ng retiradong branch manager na si Violeta Constantino sa Senado na kumikilos bilang Impeachment Court noong Miyerkules sa pagdinig ukol sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds.
Tinanong ni Senator-Judge Raffy Tulfo si Constantino kung paano dinala ng dating OVP Special Disbursing Officer na si Gina Acosta ang napakalaking halaga ng salapi matapos niyang ipa-encash ang tseke ng OVP.
“Duffle bag, gym bag?,” tanong ni Tulfo habang nais niyang matiyak ang uri at bilang ng mga bag na ginamit.
Sa una, sinabi ni Constantino na tatlo hanggang apat na gym bag ang ginamit, dahilan upang hilingin ni Tulfo na maging tiyak ang kanyang sagot.
“Sa pagkakaalala ko po, ito po ay isang malaking, mahabang bag na parang dini-describe ko nga po as,” ani Constantino.
“Gym bag po. Iba po kasi ‘yung duffle bag sa bangko. Mga three to four bags nga po,” dagdag niya.
“So gym bag, gaano kalaki? Isang dipa?” muling tanong ni Tulfo.
“Mahaba po,” sagot ni Constantino.
“Baka nagkakamali kayo? Dapat precise po kayo,” sabi ni Tulfo.
Sa palitan ng tanong at sagot, nagpatotoo si Constantino na ang pera ay inilagay sa mga gym bag. Sinabi rin niyang naglaan ang sangay ng isang trolley upang maitulak ang mga bag, at may ilang taong kasama si Acosta nang ilabas ang pera mula sa bangko.
Pagkatapos ay binigyang-diin ni Tulfo ang tinatayang bigat ng naturang halaga ng salapi. Batay sa pagtatayang ang ₱1 milyon sa mga banknote ay tumitimbang ng humigit-kumulang isang kilo, sinabi niyang ang ₱125 milyong cash withdrawal ay maaaring tumimbang ng humigit-kumulang 125 kilo.
Kasunod nito, tinanong niya kung posible bang mailabas ni Acosta ang ganoong kabigat na halaga ng salapi nang walang malaking tulong mula sa iba.
Nagsagawa ang Office of the Vice President ng apat na magkakahiwalay na cash withdrawal na tig-₱125 milyon sa pamamagitan ni Acosta mula Disyembre 2022 hanggang Hulyo 2023, na may kabuuang halagang ₱500 milyon. Nauna nang nagpatotoo si Constantino na personal niyang pinangasiwaan ang bawat isa sa mga transaksyong ito.
Nang tanungin kung nagbigay ang LandBank ng armored vehicle upang ihatid ang naturang salapi, tahasang sumagot si Constantino:
“Hindi po. Wala po kasi kaming memorandum of agreement regarding sa services, cash services or cash delivery.”
