Calendar
BI sinagip 2 Pinay sa illegal recruiter
DALAWANG Pilipina ang na-intercept ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Hulyo 23 at 24 matapos matukoy na posibleng biktima ng ilegal na pagre-recruit at human trafficking.
Ang mga biktima, edad 39 at 25, ay naharang ng mga immigration officer sa NAIA Terminal 3 at agad na isinangguni sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa tulong at masusing imbestigasyon.
Ang 39-anyos na pasahero ay unang nagsabi na siya’y maglalakbay patungong Malaysia bilang tourist.
Subalit sa secondary inspection, inamin niyang ang tunay na destinasyon ay Pakistan kung saan siya na-recruit bilang tagalinis. Ibinunyag din niyang may ibang taong nagbibigay sa kanya ng mga tagubilin sa biyahe, na nagdulot ng hinalang siya ay biktima ng ilegal na pagre-recruit at tinatangkang itago ang tunay na layunin ng kanyang paglalakbay.
Kinabukasan, na-intercept ng BI ang 25-anyos na pasahero na pupunta sa Thailand para sa turismo ngunit kalaunan ay umamin na ang totoong destinasyon ay Myanmar.
Doon umano siya inalok ng trabaho bilang online gaming hub worker na may buwanang sahod na $1,500 matapos mag-apply sa pamamagitan ng isang Telegram group na kanyang nakita sa social media.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pagiging mapagmatyag ng mga immigration officer at nagbabala sa mga Pilipino laban sa mapanlinlang na alok ng trabaho sa ibang bansa na karaniwang ipinapakalat sa social media at messaging platforms.
“Ang mga kasong ito ay nagpapakita kung paano patuloy na sinasamantala ng mga trafficker ang mga kababayan natin sa pamamagitan ng pagpapanggap na lehitimong overseas employment ang kanilang alok,” ani Viado.
