Cayetano

Lacson inimbitahang inspeksyunin Taguig projects

25 Views

INIMBITAHAN ni Sen. Alan Peter Cayetano si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na inspeksiyunin ang mga proyektong pang-imprastraktura na kinukuwestiyon sa Taguig.

Nagpahiwatig din si Cayetano na may hawak siyang impormasyon tungkol kay Lacson at sa iba pa ngunit sinabi niyang ilalabas lamang niya ito sa tamang panahon at lugar.

“Iba kasi yung sa papel-papel, iba yung sa picture-picture. Tingnan n’yo yung budget, pumunta kayo sa lugar, makikita nyo nandyan talaga yung project at magaganda. Again, to the best of my knowledge,” sinabi ni Cayetano.

Itinanggi niyang may nalalaman siyang ghost project sa Taguig ngunit kinilala niyang may ilang teknikal na usaping kailangang ipaliwanag.

Sinabi ni Cayetano na hinihintay niya ang mga tiyak na alegasyong tumutukoy sa mga proyekto, tao at iba pang detalyeng kinukuwestiyon.

“Pero syempre, yung details, kailan, sino, etc. Dadating po tayo dyan. So, hinihintay ko lang parati yung specific na allegation. Eh minsan kasi, hulugan din yung mga allegation,” sinabi niya.

Binanggit niya si Lacson habang sinasabing mayroon din siyang impormasyong ilalabas sa tamang panahon.

Hindi niya ipinaliwanag kung ano ang naturang impormasyon o kung kailan niya ito ilalabas.

Hindi dapat makagambala ang kontrobersiya sa pagtugon ng mga opisyal sa kahirapan, mataas na presyo at katiwalian, na aniya’y hindi lamang tungkol sa mga indibidwal kundi pati sa sistema ng pamahalaan.

“Ang kalaban, poverty, kalaban, kahirapan, kalaban, mataas na presyo, kalaban din ay ang corruption. At pag sinabi natin corruption, hindi lang yung tao, pati yung sistema,” aniya.

Nanawagan din siyang gamitin nang tama ang pondo at mga kagamitan ng pamahalaan.

Muling inimbitahan ni Cayetano si Lacson at ang iba pang interesadong partido na inspeksiyunin ang mga proyekto. Wala siyang ibinigay na karagdagang detalye tungkol sa impormasyong sinabi niyang hawak niya.