Calendar
Barbers: Saan napunta VP Sara confidential funds matapos ma-withdraw sa bangko?
IGINIGIIT ni House prosecution panel spokesperson at impeachment adviser Robert Ace Barbers na ang dapat pagtuunan ng pansin ngayon ng publiko ay kung saan napunta umano ang P612.5 milyong confidential funds ni Vice President Sara Duterte matapos ma-withdraw.
Binigyang-diin ni Barbers na hindi natatapos ang pananagutan sa sandaling mailabas ang pera mula sa sistema ng bangko.
Ginawa ni Barbers ang pahayag habang nagpapatuloy ang paglilitis ng Senate Impeachment Court sa Article I ng impeachment complaint laban kay VP Duterte na inaakusahan ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds noong siya ay Bise Presidente at kalihim ng Department of Education (DepEd).
Dalawang dating branch manager ng Land Bank of the Philippines (LandBank) ang tumestigo hinggil sa pag-encash ng mga Treasury check na nagkakahalaga ng kabuuang P612.5 milyon.
Inilarawan nila ang mga transaksyon bilang walang katulad sa kanilang ilang dekadang karanasan sa pagbabangko at kinumpirmang ang buong halaga ay inilabas ng cash.
Simula ngayong linggo, ihaharap ng prosekusyon sa Senate Impeachment Court sina dating Commission on Audit (COA) state auditor Roderick Wamil at kasalukuyang Intelligence and Confidential Funds Audit Office Supervising Auditor Celine May Del Campo.
Inaasahang magbibigay sila ng testimonya hinggil sa proseso ng audit, mga notice of disallowance, at mga natuklasan ng COA kaugnay ng liquidation ng confidential funds.
Ayon sa House prosecution, natuklasan sa isinagawang audit ang iba’t-ibang kakulangan sa liquidation documents, kabilang ang mga acknowledgment receipt na may umano’y kathang-isip na mga tumanggap ng pondo, mga gastusing walang sapat na dokumento at kakulangan ng patunay na naisagawa ang mga sinasabing intelligence operations.
Ang pangunahing isyung dapat resolbahin ng Impeachment Court ay kung ang confidential funds ay ginamit sa lehitimong intelligence operations at kung nagkaroon ba ito ng mapapatunayang benepisyo sa publiko.
“Kapag naging cash na ang pera, natatapos ang bank trail. Ang tanong ay kung sino ang huling tumanggap at kung saan napunta ang pera,” ani Barbers.
Iginiit din niya na hindi sapat ang mga liquidation document upang awtomatikong mapatunayan na tama at naaayon sa batas ang paggamit ng pampublikong pondo.
Binigyang-diin ni Barbers na hindi maaaring gamiting dahilan ang pagiging kumpidensyal ng mga operasyon upang makaiwas sa pananagutan.
“Ang confidentiality ay proteksyon sa totoong informant, hindi lisensya para mag-imbento ng informant,” sabi nito.
Bagama’t maaaring manatiling lihim ang pagkakakilanlan ng mga lehitimong confidential informant, dapat pa ring mapatunayan ng pamahalaan na ang mga tumanggap ng pondo, ang mga isinagawang operasyon, at ang mga intelligence activity ay tunay na naganap.
Hindi dapat balewalain ang mga naging findings ng Commission on Audit bilang simpleng teknikal na usapin lamang, ayon kay Barbers.

