Dy

Kamara de Representantes magiging transparent sa pagtalakay sa ’27 budget–Speaker Dy

Mar Rodriguez Aug 3, 2026
40 Views

NANGAKO si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na magiging transparent ang Kamara de Representantes sa pagtalakay sa 2027 proposed national budget.

Sinabi ni Speaker Dy na ipagpapatuloy ng Kamara ang mga reporma at hakbang para sa transparency na ipinatupad noong nakaraang taon upang matiyak na ang susunod na pambansang badyet ay tutugon sa pangangailangan ng mamamayan, may pananagutan at maayos ang paggasta.

Ipinahayag ni Speaker Dy na nakahanda ang Kamara na gampanan ang tungkulin na suriin ang P7.2-trilyong National Expenditure Program (NEP) na inaasahang isusumite ng executive branch bago ang Agosto 14.

Makatutulong ang mga konsultasyong isasagawa sa ilalim ng bagong “LegisHear” upang mas maunawaan ng mga mambabatas ang mga prayoridad at pangangailangan ng iba’t-ibang komunidad.

Nang tanungin kung may plano pang magpatupad ng karagdagang reporma bukod sa mga isinagawa noong pagtalakay sa 2026 National Budget,” sinabi ni Dy na: ‘Wala pa naman kaming napag-uusapan, pero nakita naman natin na maayos naman, at nakita nating may reporma.

Nakita rin natin na may transparency. Sa tingin ko, lalo pa nating bibigyan ng mahahalagang security measures upang matiyak na ang ating ipapasa na 2027 budget ay talagang maayos.”

Binigyang-diin ni Dy na nananatiling nakatuon ang Kamara sa pagpapanatili ng mga repormang naglalayong palakasin ang transparency at accountability sa proseso ng paglalaan ng pondo, habang patuloy ang pinaigting ng mga mekanismong nagpoprotekta sa integridad ng pambansang badyet.