Dy

Speaker Dy: Participatory governance sa Isabela model ng ‘LegisHear’

Mar Rodriguez Aug 3, 2026
35 Views

IPINAHAYAG ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na ang matagal ng isinusulong na participatory governance ng mamamayan sa Isabela ang nagsilbing huwaran sa paglulunsad ng “LegisHear,” ang nationwide public consultation program ng House of Representatives.

Sinabi ni Speaker Dy na napatunayan sa kanyang karanasan bilang gobernador ng Isabela na mas nagiging epektibo ang pamamahala at mas tumutugon sa pangangailangan ng publiko ang mga programa kapag direktang nakikinig ang pamahalaan sa mga mamamayan.

“Siguro, gusto kong umpisahan noong ako ay governor at ngayon ay ginagawa ng kasalukuyang governor,” pahayag ni Speaker Dy.

Binanggit ng House Speaker ang matagal nang isinasagawang “Farmers’ Congress” sa Isabela, kung saan regular na bumibisita ang mga opisyal ng lalawigan sa 36 na munisipalidad at iba’t-ibang barangay upang marinig ang hinaing at mungkahi ng mga magsasaka at iba pang residente.

“Mayroon kaming tinatawag na Farmers’ Congress na kada linggo ay pinupuntahan namin ang 36 na municipalities. Cycle na iyan sa iba’t ibang barangay. Ngayon, nakikita namin kung gaano ito kahalaga,” ani Speaker Dy.

Ayon kay Dy, ang parehong prinsipyo ng pakikipag-ugnayan sa mga komunidad ang naging gabay ng Kamara sa pagsasagawa ng mga konsultasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa kaugnay ng panukalang “Anti-Political Dynasty Act”.

Dahil sa positibong karanasan sa mga konsultasyong ito, sinabi ni Dy na nagpasya ang Kamara na gawing bahagi ng proseso ng paggawa ng batas ang mas malawak at regular na pakikipagkonsulta sa publiko sa pamamagitan ng LegisHear.

“Kaya ito na iyon. Kaya ito ang isa sa mga unang dahilan kung bakit naisipan ng ating Kongreso, ng ating Bagong Kongreso, na gawin ito,” aniya.

Binigyang-diin ng Speaker na layunin ng LegisHear na gawing mas bukas, mas participatory at mas tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan ang proseso ng paggawa ng batas.

“Sa tingin ko ay napakaganda nito sapagkat ang tanging layunin ng ating Kongreso at ng ating mahal na Pangulo ay talagang ma-address ang mga kinakailangang batas na susuporta, lalong-lalo na sa pag-angat ng kabuhayan ng ating nakararaming kapwa Pilipino,” dagdag ni Dy.

Ang “LegisHear” na inilunsad sa Isabela, ay pangunahing programa ng House of Representatives sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Dy.