Wamil1

Impeachment witness: Nilagdaan ni VP Sara sertipikasyon na natupad ang layunin ng P125M confi funds

Mar Rodriguez Aug 3, 2026
35 Views

HINDI maitatanggi ni Vice President Sara Z. Duterte na nagkaroon ito ng cash advance at ginastos ang kontrobersyal na confidential fund noong panahon na siya pa ang Kalihim ng Department of Education (DepEd), ayon kay Commission on Audit (COA) auditor Roderick Wamil.

Sa harap ng Senate Impeachment Court, sinabi ng opisyal na nilagdaan ni VP Duterte ang liquidation report ng Office of the Vice President (OVP) na nagsasaad na natupad ang layunin ng P125 milyong cash advance mula sa confidential funds.

Kinilala rin ni Wamil ang lagda ni Duterte sa disbursement voucher, accomplishment report at certification ng OVP na iniharap ng House prosecution bilang bahagi ng ebidensya sa impeachment trial.

Ayon kay Wamil, sa disbursement voucher ay pinagtibay ni Duterte ang legalidad ng cash advance at ang paggasta nito sa ilalim ng kanyang direktang pangangasiwa.

Nang ipakita sa kanya ang lagda sa dokumento, sinabi ni Wamil: “That is the signature po of the Vice President Sara Duterte.”

Ipinakita rin ng House private prosecutor na si Atty. Lorna Kapunan ang liquidation report na may petsang Enero 10, 2023 na may sertipikasyong natupad ang layunin ng cash advance.

Ipinaliwanag ni Wamil na mahalaga ang pirma ni Duterte sa naturang dokumento.

Saklaw ng liquidation report ang panahon mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 31, 2022. Gayunman, sinabi ni Wamil na batay sa Physical and Financial Plan ng OVP, ang cash advance ay inilaan para sa buong ikaapat na quarter ng taon o mula Oktubre hanggang Disyembre.

“Based on this document po, na-disburse lang siya from December 21 to 31, 2022, or around 11 days,” aniya.

Ayon pa sa auditor, ang halagang sangkot ay P125 milyon at ang 11 araw na panahon ng paggasta ay batay mismo sa liquidation report na isinumite ng OVP.

Ipinakita rin sa pagdinig ang accomplishment report ng OVP na isinumite sa Intelligence and Confidential Fund Audit Office ng COA. Muling kinilala ni Wamil ang lagda ni Duterte sa bahagi ng dokumentong may nakasulat na “Approved by.”

“It signifies po that the signatory, or the Vice President, approved the contents of this accomplishment report,” paliwanag niya.

Napansin niyang walang nakasaad sa accomplishment report ang mga partikular na confidential activities na isinagawa ng OVP.

Ipinaliwanag niyang mahalaga ang mga detalyeng ito upang matukoy ng COA kung ang mga ginastos ay naaayon sa mga pinapahintulutang paggagamitan ng confidential funds sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01.

Ipinakita rin sa korte ang hiwalay na certification ng OVP na nilagdaan ni Duterte sa ilalim ng salitang “Attested.”

“Ang ibig sabihin po ng ‘attested’ ay kanyang kino-confirm at bine-verify na ’yung contents nung certification na ito ay totoo,” ani Wamil.

Napansin din ng auditor ang hindi tugmang petsa sa naturang certification. Aniya, nakasaad dito ang petsang Enero 10, 2022, kahit ang dokumento ay tumutukoy sa cash advance para sa ikaapat na quarter ng 2022 at na-notaryo lamang noong Enero 16, 2023.

Bagama’t itinuring niya itong discrepancy sa petsa, sinabi ni Wamil na wala silang natukoy na iba pang paglabag kaugnay ng certification dahil naisumite naman ang kinakailangang dokumento.

Dahil dito, naghanda siya ng Audit Observation Memorandum (AOM).

“After the evaluation of those documents, since I noted that the documents are not compliant with the requirements of Joint Circular 2015-01, I drafted an Audit Observation Memorandum,” pahayag pa ni Wamil.