2 tricycle driver nag-away; 1 nawalan ng buhay

39 Views

NATAGPUANG patay sa kanyang tricycle ang tricycle driver matapos umanong bugbugin ng nakaalitang kapwa tsuper.

Nasapol sa CCTV na isinakay pa ng suspek at ng kanyang mga kasama ang walang malay na biktima sa loob ng tricycle nito at dinala sa harap mismo ng kanyang bahay sa Quezon City bago sila tumakas.

Ayon sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nadiskubre ang bangkay ng biktima dakong alas-5:20 ng umaga sa harap ng kanilang bahay sa Brgy. San Antonio.

Sa imbestigasyon, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo at nauwi sa suntukan ang biktima at ang 18-anyos na suspek habang nakikipag inuman ang hulli sa tricycle terminal sa M.H. Del Pilar Street dakong alas-11:30 ng gabi noong Agosto 2.

Paulit-ulit umanong sinuntok ng suspek ang biktima hanggang sa bumagsak ito, tumama ang ulo sa kalsada at mawalan ng malay.

Kinabukasan, natagpuan na lamang ng isang residente ang biktima na wala nang buhay sa loob ng kanyang tricycle.

Naaresto ang suspek sa Muñoz market sa Brgy. Veterans at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.