Magsino

Mabilis na aksiyon ng DMW vs illegal accomodation facility pinuri

Mar Rodriguez Aug 5, 2026
53 Views

PINAPURIHAN ni dating OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang maagap na pagkilos ng Department of Migrant Workers (DMW) para masagip ang 57 Overseas Filipino Workers (OFWs) applicants.

Sinabi ni Magsino na marahil ay kailangang mas lalo pang paigtingin ng DMW ang kanilang kampanya laban sa mga illegal na gawain kung saan laging ang mga kaawa-awang OFWs ang paborito nilang biktimahin.

Ikinalungkot naman ni Magsino na sa kabila ng malawakang kampanya o all-out-war ng gobyerno laban sa laganap na operasyon ng illegal recruitment. Patuloy parin umano ang naturang modus na kumikilos hindi lamang sa mga lalawigan, bagkos. Talamak narin sa National Capitol Region (NCR).

Dahil dito, pinaalalahanan ng dating Party List Lady solon ang mga OFWs kasama na ang kanilang pamilya na mag-ingat sa mga tao o grupong lumalapit sa kanila at nag-aalok ng trabaho sapagkat ang isa sa mga pamamaraan para masawata ang illegal recruitment ay ang huwag makipag-ugnayan sa mga ahente at illegal recruiters na nangangako umano mgagandang ng trabaho sa ibang bansa.

Pagbibigay-diin ni Magsino na kaya may mga OFWs ang naeengganyong kagatin o patulan ang inaalok na trabaho sa ibang bansa ay dahil sa pangakong magandang trabaho at malaking suweldo.

Ayon kay Magsino, napakahalaga na ma-check at ma-verify ang ahensiyang nirerepresenta ng isang recruiter para malaman kung ang nasabing kompanya ay legal o isang illegal.

“Huwag po tayong basta-basta maniniwala sa matatamis na pangako mga recruiters. Sa halip ay kailangan muna natin alamin kung ito ba ay legal o isang illegal, wala naman masama kung magbe-verify muna tayo, ito ay isa lamang sa mga pamamaraan para huwag tayong mabiktima ng mga illegal recruiter,” sabi ni Magsino.

Nauna rito, nasagip ng Department of Migrant Workers ang 57 aplikante para sa overseas Filipino workers at ipinasara ang limang hinihinalang hindi rehistradong accommodation facility sa magkakasabay na operasyon sa Parañaque City.

Sinabi ng DMW na isinagawa ang operasyon ng DMW-National Capital Region (NCR) sa pakikipag-ugnayan sa Migrant Workers Protection Bureau, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Parañaque City Police District.

Ayon sa DMW, isinagawa ang operasyon matapos ang pinaigting na surveillance laban sa mga hinihinalang sangkot sa illegal recruitment sa lungsod.

Matapos masagip, isinailalim ang 57 OFW applicants sa paunang assessment at dokumentasyon ng mga tauhan ng DMW-NCR. Kalaunan ay inilipat sila ng OWWA sa isang pansamantalang pasilidad kung saan sila bibigyan ng tulong at iba pang kinakailangang suporta.

Binigyang-diin ni DMW-NCR Director Atty. Falconi “Ace” Millar na pangunahing prayoridad ng ahensya ang pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga OFW.

“Ang proteksyon sa karapatan at pagsusulong ng kapakanan ng ating mga overseas Filipino workers ang aming pangunahing layunin,” ani Millar.

Patuloy namang pinaaalalahanan ng DMW ang publiko na tiyaking lehitimo at lisensyado ang mga recruitment agency at pasilidad bago mag-apply para sa trabaho sa ibang bansa upang maiwasang mabiktima ng illegal recruitment.