BTS

ARESTADO NG PNP-ACG ANG ONLINE SCAMMER NG BTS TICKETS

28 Views

INARESTO ng mga operatiba ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang isang 27-anyos na babae mula sa Tondo, Maynila na umano’y nanloko ng mga online buyer ng tiket para sa konsiyerto ng world-famous na BTS na gaganapin sa Marso 2027.

Isinagawa ang entrapment operation sa San Lazaro, ayon kay PNP-ACG Director Major General Wilson P. Asueta nitong Miyerkules.

Ayon sa opisyal, nag-alok ang suspek ng umano’y ekstrang tiket para sa konsiyerto ng BTS na gaganapin sa Marso 13–14, 2027 sa Philippine Sports Stadium sa Bocaue, Bulacan, na bahagi ng kanilang BTS World Tour Arirang.

Batay sa salaysay ng isa sa mga complainant, nakita niya ang isang post ng suspek sa X (dating Twitter) kung saan ibinebenta nito ang umano’y ekstrang tiket para sa konsiyerto ng South Korean boy band.

Bandang alas-1:30 ng hapon noong Hulyo 22, nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng ACG Cyber-Financial Crime Unit na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek. Isinagawa ang operasyon sa tulong ng isang 20-anyos na babaeng complainant mula sa Diliman, Quezon City.

Kinilala lamang ang suspek sa alyas na “Shai,” isang IT personnel na residente ng Tondo.

Inakusahan siya ng pagbebenta online ng BTS concert tickets sa halagang P14,200 bawat isa. Gayunman, nadiskubre ng complainant mula sa Quezon City na ang tiket na binili niya ay naibenta na rin pala sa ibang buyer.

Ayon sa complainant, agad niyang tinanggap ang alok ng suspek matapos sabihin nitong may dalawang tiket na ibinebenta sa halagang P14,200 bawat isa, na umano’y pag-aari ng isang dating buyer na umatras sa transaksyon.

Dahil naniwala siya sa alok, nagbayad siya ng P10,000 bilang paunang bayad at nangakong ibibigay ang natitirang P4,200 sa kanilang napagkasunduang pagkikita noong Hulyo 22.

Ngunit noong Hulyo 13, sinabi umano ng suspek na nagkaroon ng problema sa website ng ticketing system kaya hindi niya ma-access ang account kung saan nakaimbak ang mga e-ticket.

Sa kabila ng pagkaantala, hindi pa rin naghinala ang complainant dahil nakaranas na rin siya noon ng katulad na problema sa sarili niyang ticketing account.

Noong Hulyo 17, nakatanggap siya ng mensahe sa social media mula sa isang babae na nagsabing ang parehong concert ticket na may magkaparehong detalye ay naibenta rin sa kanya.

Nabatid din ng complainant na inalok at naibenta rin ng suspek ang parehong tiket sa iba pang mga indibidwal.

Kalaunan, lima pang biktima ang naghain ng magkakatulad na reklamo matapos matuklasang pare-pareho silang nakabili ng concert ticket na may magkakaparehong seat number mula sa suspek, dahilan upang mapagtanto nilang sila ay naloko.

Ayon kay Maj. Gen. Asueta, agad nagsagawa ng imbestigasyon ang kanyang mga tauhan na nauwi sa matagumpay na entrapment operation.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong swindling o estafa kaugnay ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Sinabi ni Asueta na dahil ang halagang nadaya ay P14,200, ang kaukulang parusa ay arresto mayor sa medium at maximum period.

Gayunman, dahil isinagawa ang krimen sa pamamagitan ng information and communications technologies, tataas ang parusa ng isang antas, kaya ang maaaring ipataw ay prision correccional sa minimum period, o pagkakakulong ng anim na buwan at isang araw hanggang dalawang taon at apat na buwan, alinsunod sa Section 6 ng RA No. 10175.

Dahil sa insidente, muling nanawagan si Maj. Gen. Asueta sa publiko na bumili lamang ng online tickets mula sa mga opisyal na ticketing outlet at awtorisadong sellers.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pag-iingat sa mga alok na “masyadong maganda para maging totoo,” lalo na sa murang concert tickets na ibinebenta online sa ilalim ng mga “limited-time deals.”

Hinikayat din ng opisyal ang mga online ticket buyers na tiyaking beripikahin muna ang pagkakakilanlan at background ng nagbebenta bago makipagtransaksyon. Dapat ding suriin ang account ng seller, kabilang ang petsa ng pagkakagawa nito, mga public review, at kasaysayan ng mga naging transaksyon.

Dagdag pa ni Maj. Gen. Asueta, dapat ding humingi ang mga mamimili ng proof of purchase, opisyal na resibo, at iba pang patunay ng pagmamay-ari ng tiket.