Calendar
Pagbabawal sa mga may kontrata sa gobyerno na mag-file ng COC hiniling
NAIS tiyakin ng isang Party-list congressman na ang mga politikong maluluklok sa ano mang puwesto sa gobyerno ay totoong magse-serbisyo sa mamamayang Pilipino at hindi itutulak ang kanilang pansariling interes para lamang pagkakitaan ang kanilang panunungkulan sa pamahalaan.
Binigyang-diin ni TGP Party-list Rep. Jose “Bong” J. Teves Jr. na may malaking “loophole” sa ating election process. Para sa mambabatas, panahon na upang maisara at baguhin ang isang malaking butas sa umiiral na sistema ng halalan sa ating bansa.
Naghain ng panukalang batas si Teves na mag-oobliga sa mga nagnanais tumakbo sa anumang halal na posisyon na ideklarang wala silang umiiral na interes sa mga kontrata ng pamahalaan bago sila makapaghain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC).
Inihain ni Teves sa Kamara de Representantes ang House Bill No. 9142 o ang panukalang “Electoral Conflict of Interest Prevention Act” na naglalayong gawing bahagi ng proseso ng halalan ang mas maagang pagpapatupad ng transparency at pananagutan.
Sa ilalim ng panukala ni Teves, ang lahat ng kandidato ay kinakailangang magsumite ng sinumpaang salaysay (sworn undertaking) na nagsasaad na sila at ang kanilang mga miyembro ng agarang pamilya ay walang direkta o hindi direktang pinansyal na interes sa anumang kontrata ng pamahalaan sa loob ng limang taon bago ang paghahain ng kanilang COC.
Ayon kay Teves, bagama’t may mga umiiral nang batas tulad ng “Anti-Graft and Corrupt Practices Act”, “New Government Procurement Act” at “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees”, ang mga ito ay kadalasang naipatutupad lamang kapag nakaupo na sa pwesto ang isang opisyal.
Dahil dito, sinabi ng kongresista na may malaking kakulangan sa regulasyon sa panahon ng pangangampanya, kung saan ang mga kandidatong may kaugnayan sa mga kontrata ng gobyerno ay maaari pa ring makinabang sa pondong publiko habang tumatakbo sa halalan.
“Sa pamamagitan ng pagpapatibay ng transparency at pananagutan sa pinakamaagang yugto ng proseso ng halalan, masisiguro nating ang mga nagnanais maglingkod sa bayan ay tunay na inuuna ang kapakanan ng publiko at hindi ang kanilang pansariling negosyo o interes na pinopondohan ng buwis ng mamamayan,” wika ni Teves.
Sa ilalim ng House Bill No. 9142, kailangang ilakip ang sinumpaang salaysay sa mismong Certificate of Candidacy. Ang hindi pagsunod sa rekisitong ito ay maaaring maging dahilan upang hindi tanggapin o tuluyang kanselahin ang COC ng kandidato.
Inaatasan din ng panukala ang Commission on Elections (Comelec) na tiyaking sumusunod ang mga kandidato sa batas sa pakikipag-ugnayan sa Government Procurement Policy Board (GPPB), Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Audit (COA).
Nakasaad din sa panukala na ang sinumang kandidatong mapapatunayang nagsumite ng maling impormasyon, nagtago ng umiiral na kontrata sa gobyerno, o pumasok sa panibagong kontrata matapos maghain ng COC ay maaaring maharap sa mabibigat na parusa, kabilang ang permanenteng diskuwalipikasyon sa pagtakbo sa anumang pampublikong posisyon, pagkansela ng kandidatura, at posibleng kasong kriminal.
Iginiit ni Teves na mahalagang maisara ang naturang kakulangan sa batas upang mapangalagaan ang integridad ng halalan at matiyak na ang mga susunod na lider ng bansa ay magiging patas, walang kinikilingan, at nakatuon lamang sa tunay na paglilingkod sa mamamayan.
To God be the Glory

