China2 Pinangunahan ang courtesy visit sa NBI ni Wang Xizhang ang delegasyon na kumakatawan sa Fujian Provincial Public Safety Department ng Ministry of Public Security ng China. Source: NBI

Chinese law enforcement delegation nag-courtesy visit sa NBI

Jon-jon Reyes Aug 10, 2026
28 Views

ChinaChina1China3China4TINANGGAP ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag ang delegasyon ng Chinese law enforcement officials noong Agosto 4, 2026, sa NBI Headquarters Conference Hall sa Pasay City.

Pinangunahan ni Mr. Wang Xizhang ang delegasyon na kumakatawan sa Fujian Provincial Public Safety Department ng Ministry of Public Security ng China. Nagpunta sa Maynila ang delegasyon para sa tatlong araw na working visit.

Layunin ng courtesy visit na palakasin ang international partnerships ng NBI sa mga karatig-bansa at higit na paigtingin ang kooperasyon sa mga isyung kapwa kinakaharap ng Pilipinas at China.

Ayon kay Atty. Matibag, nagiging mas kumplikado ang mga hamon sa pagpapatupad ng batas dahil sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.

Kabilang dito ang mga krimeng gumagamit ng teknolohiya, gaya ng cyber-enabled offenses at online gambling, na aniya ay hindi na nalilimitahan ng mga hangganan ng bansa.

“Ang mga hamong magkakapareho ay nangangailangan ng mas pinaigting na palitan ng impormasyon at kooperasyon,” ani Matibag, na binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga law enforcement agencies ng magkakapit-bansang estado sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

Muling tiniyak ni Matibag ang commitment ng NBI na palakasin ang kooperasyon sa mga dayuhang law enforcement agency upang maisulong ang regional peace, security at epektibong pagpapatupad ng batas.

Inaasahan niyang makatutulong ang pagbisita sa pagpapalakas ng kooperatibong ugnayan ng mga law enforcement agencies ng Pilipinas at China.

Nangako rin ang NBI chief na magsasagawa ng mga pagpupulong, talakayan at pagbisita para sa mga Chinese law enforcement officials kasama ang mga kaukulang dibisyon ng NBI.

Kabilang sa mga tinalakay na paraan upang mapalakas ang koordinasyon ang regular na pagpapalitan ng impormasyon tungkol sa mga transnational crime, gaya ng online fraud; pagpapalitan ng mga eksperto sa working level; at pagbabahagi ng intelligence hinggil sa mga prayoridad na krimen.

Nais din ng delegasyong Tsino na higit pang paigtingin ang kooperasyon para sa proteksyon ng kanilang mga mamamayan sa Pilipinas.

Layunin din nitong mapahusay ang imbestigasyon sa mga kriminal na sinasamantala ang pagkakaiba ng mga legal system ng China at Pilipinas upang makaiwas sa pag-uusig.

Ang naturang hakbang ay inaasahang makatutulong sa mas mabilis na pagpapalitan ng impormasyon at mas epektibong pagtugon sa mga krimeng tumatawid sa mga hangganan ng dalawang bansa.