Kapunan3 Prosecution private counsel Atty. Lorna Kapunan

Auditor ng COA: VP Sara may pananagutan sa P73.2M confi fund na di pinayagan

28 Views
Pic4
Xylene Mae del Campo, supervising auditor ng COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO)

SINABI ng isang state auditor ng Commission on Audit (COA) na may pananagutan si Vice President Sara Z. Duterte sa mga iregularidad na natuklasan sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong Disyembre 2022.

Nagpatotoo si Xylene Mae del Campo, supervising auditor ng COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO), sa impeachment trial ng Bise Presidente na naglabas ang COA ng Notice of Disallowance para sa P73.287 milyon na confidential funds na ginamit ng OVP mula Disyembre 13 hanggang 31, 2022.

Batay sa mga dokumentong isinumite ng OVP bilang tugon sa Notice of Disallowance ng COA-ICFAO, sinabi ni Del Campo na nabigo ang ahensya na magpakita ng katibayan ng tagumpay ng mga aktibidad na may kaugnayan sa pangangalap ng impormasyon at surveillance. Kinakailangan ang naturang patunay sa pagbabayad ng mga reward gamit ang confidential funds.

May kabuuang 105 aktibidad na isinama ng OVP sa kanilang tugon. Ngunit sinabi ni Del Campo na walang partikular na accomplishment o resulta ang binanggit bilang ebidensiya na magpapatunay sa tagumpay ng mga confidential activities.

“Batay po sa dokumentong ito, hindi po napakita dito ang proof of success ng information gathering. At may mga aktibidad din dito noong Disyembre 13, 15, 17, at 18 na hindi sakop ng panahon ng paggamit ng cash advance, na para sa Disyembre 21 hanggang 31, 2022,” sabi ni Del Campo.

Binigyang-diin ni Del Campo ang mga probisyon ng Joint Circular 2015-01, na ginagamit ng COA bilang gabay sa paggamit at liquidation ng confidential at intelligence funds. Ayon sa kanya, may tatlong kondisyon sa paggamit ng mga naturang pondo:

Dapat itong aprubado ng pinuno ng ahensya;

Dapat itong suportado ng mga dokumentong nagpapatunay sa tagumpay ng information gathering at/o surveillance activities, batay sa impormasyong ibinigay ng informer; at

Dapat itong direktang may kaugnayan sa confidential activities ng ahensya.

Kabilang sa mga halimbawang confidential activities na iniharap ng counsel ng prosecution na si Atty. Lorna Kapunan, mula sa mga dokumentong isinumite ng OVP, ay ang appreciation night kasama ang mga partner ng DepEd at mga Christmas activities kasama ang TNVS, TODA, Angkas, food delivery riders, at mga PWD.

Bukod dito, P69.78 milyon ng confidential fund expenditures ang hindi rin pinayagan ng COA-ICFAO dahil ginamit ang mga ito sa pagbili ng mga mesa, upuan, desktop computer, at printer, nang walang paliwanag kung paano nauugnay ang mga ito sa confidential activities. Wala rin umanong official receipts o sales invoices na sumusuporta sa mga pagbiling ito.

Sinabi ni Del Campo na ang kanyang draft Notice of Disallowance para sa paggamit ng confidential funds ng OVP noong Disyembre 2022 ay inaprubahan ni COA Assistant Commissioner Nilda Plaras, na noon ay officer-in-charge ng COA-ICFAO.

Nang tanungin ni Kapunan kung sino ang may pananagutan sa mga paggamit ng confidential funds na hindi pinayagan, sinabi ni Del Campo na unang nasa listahan si Duterte bilang pinuno ng ahensya at bilang nag-apruba sa mga transaksyon, kabilang ang paggamit ng cash advances.

May pananagutan din umano si Gina Acosta, ang special disbursing officer ng OVP, dahil siya ang naging payee ng mga tsekeng inilabas ng OVP mula sa confidential funds at siya rin ang nag-disburse ng cash advances.

Ang ikatlong opisyal na binanggit ni Del Campo ay si Julieta Villadelrey, chief accountant ng OVP, na nag-certify na kumpleto at maayos ang mga supporting documents.

Ayon kay Del Campo, naghain ang OVP ng petition for review sa COA noong Pebrero 5, 2025. Ngunit noong Abril 10, 2026, pinagtibay ng COA proper ang Notice of Disallowance, kabilang ang kahilingan na isauli ang P73.287 milyon na confidential funds.

Naghain ang OVP ng motion for reconsideration, na ayon kay Del Campo ay nakabinbin pa para sa resolusyon ng COA. Nina RYAN PONCE PACPACO & PS JUN M. SARMIENTO