Rep. Ridon

Ridon kay Magalong: Maglabas ka ng ebidensya na may prosecution members na may budget insertion

Mar Rodriguez Aug 11, 2026
31 Views

HINAMON ni House prosecutor at Bicol Saro Party List Rep. Terry Ridon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na maglabas ng ebidensya at pangalanan ang mga mga miyembro ng prosekusyon na sinasabi niyang mayroong budget insertion.

Napakahalagang maglahad ng ebidensiya si Mayor Magalong upang patunayan ang kanyang paratang, ayon sa mambabatas.

Inilabas ni Ridon ang hamon bilang tugon sa mga iniulat na pahayag ni Magalong kaugnay ng mga kasapi umano ng House prosecution panel na humahawak sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

“Ang hamon namin kay Mayor Magalong: pangalanan po ninyo kung sino ang tinutukoy ninyong House prosecutors na mayroong budget insertions,” ani Ridon.

Muli umanong nagpakalat si Magalong ng maling impormasyon tungkol sa ilang House prosecutors na sinasabing may budget insertions, dagdag ni Ridon.

“Katulad ng dati, nag-iimbento ng kuwento si Baguio City Mayor Benjamin Magalong tungkol sa mga House impeachment prosecutors na mayroon umanong budget insertions ang ilan sa mga umuusig kay Vice President Sara Duterte,” sabi ni Ridon.

Ipinaliwanag pa ni Ridon na imposible ang alegasyon dahil ang kasalukuyang ipinatutupad na pambansang badyet ay ang 2026 General Appropriations Act (GAA) na aniya ay tiniyak ng Kongreso, Senado at ng Pangulo na walang congressional insertions.

Binanggit din ng kongresista na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang P6.793-trilyong 2026 GAA noong Enero 5 habang inaprubahan naman ng Gabinete ang panukalang 2027 National Expenditure Program (NEP) noong Hulyo 10.

Wala pang isinasagawang deliberasyon sa Kamara para sa panukalang 2027 national budget at wala pang budget hearings na ipinapatawag ang House Committee on Appropriations.

“Kaya ang tanong: papaanong magkakaroon ng insertions ang mga House prosecutors, at papaano sila magkakaroon ng pork barrel?” tanong ng mambabatas.

Inalala rin ni Ridon ang naunang alegasyon ni Magalong na may 67 kongresista umanong sangkot sa mga kwestiyonableng proyekto sa flood control, ngunit hindi umano nito kailanman pinangalanan ang mga sinasabi niyang sangkot.

“Baka katulad na naman po ito noong kasagsagan ng flood control investigations, kung saan nagparatang kayo ng 67 kongresistang kasabwat sa korapsyon na kahit minsan ay hindi ninyo pinangalanan,” ani Ridon.

Tiniyak ni Ridon na hindi maaapektuhan ang House prosecution panel at mananatili itong nakatuon sa pagtupad sa tungkulin nitong alamin ang katotohanan at panagutin ang mga dapat managot kaugnay ng mga kasong impeachment laban sa Pangalawang Pangulo.

“Panghuli at pinakamahalaga, nakatutok ang House prosecution panel sa aming papel sa pagtitiyak ng katotohanan at pananagutan sa mga impeachable offenses ng ating Pangalawang Pangulo,” ani Ridon.