Resibo

DEPED CONFI-FUND RECEIPTS, PARE-PAREHONG PETSA PERO IBA-IBANG ADDRESS — COA AUDITOR

24 Views

SINABI ni Commission on Audit supervising auditor Xylene Mae del Campo nitong Martes na pare-pareho ang petsa ngunit iba-iba ang address na nakalagay sa ilang DepEd confidential-fund receipts, samantalang iisang special disbursing officer lamang ang nakatalagang mag-disburse ng pondo.

Iniharap ang mga rekord sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte habang tinatanong ni private prosecutor Lorna Kapunan si Del Campo tungkol sa acknowledgment receipts na may petsang Feb. 21, Feb. 25 at March 15, 2023.

Sa mga piling resibo na may petsang Feb. 25 lamang, nakalagay ang mga address sa Masbate, Laoag City, Davao City, Agusan del Norte, Olongapo, Samar, Pangasinan, Compostela Valley, Nueva Ecija, Koronadal City, Batangas, Kalinga-Apayao, Southern Leyte at Abra.

“Based po dun sa documents na prinesent sa akin, lahat po ito is dated February 25, 2023 po. With different addresses po na nakalagay,” testimonya ni Del Campo.

Nang tanungin kung sino ang may responsibilidad sa pag-disburse ng pera sa ilalim ng Joint Circular, kinilala ni Del Campo si Edward Fajarda bilang special disbursing officer ng DepEd. Sinabi niyang wala nang ibang pangalan sa designation na kalakip ng liquidation documents.

Pinigilan ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang pagtatanong nang tanungin si Del Campo kung personal bang napuntahan ni Fajarda ang lahat ng address na nakasaad sa mga dokumento, at sinabing hindi maaaring sagutin ng testigo ang naturang tanong.

“That if indeed the SDO is the only officer authorized to disburse the funds, then clearly it is physically impossible to be in all of these locations in one day,” sinabi ni Escudero.

Idinagdag niya kalaunan: “So that remains to be seen and proven in the coming days.”

Ayon kay Del Campo, nakasaad sa Item 6.1.1 ng Joint Circular na responsibilidad ng special disbursing officer ang pag-disburse ng pondo at hindi maaaring ilipat ang cash advance mula sa isang accountable officer patungo sa iba.

Isa pang grupo ng piling acknowledgment receipts na may petsang March 15, 2023 ang may mga address sa Davao City, Tandag, Puerto Galera, Laguna, Agusan del Norte, Olongapo, Zamboanga City, Butuan City, Nabunturan, Dasmariñas, Tarlac, Pasay City, Calbayog at Aguinaldo, Ifugao. Ilan sa mga resibo ay may pirma ngunit walang pangalan.

Isinalaysay din ni Del Campo na tumestigo si OVP special disbursing officer Gina Acosta sa isang congressional hearing noong 2024 na inutusan umano siya ni Duterte na ibigay kay Col. Raymond Dante Lachica, noon ay pinuno ng Vice Presidential Security Group, ang confidential-fund cash advance.

Sinabi ni Del Campo na hindi si Lachica ang nakatalagang special disbursing officer.

Nang tanungin tungkol sa paglilipat ng pondo kaugnay ng Joint Circular, sinabi ni Del Campo: “This is a direct violation ng Joint Circular, specifically item 6.1.1.”

Sinabi niyang Joint Circular ang naging batayan ng kanyang audit at naghanda siya kalaunan ng notice of disallowance matapos suriin ang mga rekord at tugon.

Ayon kay Del Campo, ₱261.3 milyon ang sakop ng notice of disallowance, kabilang ang ₱62 milyon na rewards na aniya’y walang mga dokumentong nagpapatunay ng matagumpay na information gathering.

Binanggit din niya ang ₱199 milyon para sa supplies at medical at food aid na, ayon sa kanya, hindi matiyak ng mga auditor mula sa acknowledgment receipts kung para sa mga nakasaad na gamit ang mga halaga.

Binanggit din ni Del Campo ang ₱300,000 na purchase of information na aniya’y nabayaran bago nailabas ang kaukulang cash advance.