Calendar
Ridon: Bakit ginamit sa Xmas party confidential funds ni VP Sara?
KINUWESTIYON ni House prosecutor at Bicol Saro Party List Rep. Terry L. Ridon kung bakit ginamit sa selebrasyon ng Christmas party ang confidential funds ni Vice President Sara Z. Duterte?
Ayon kay Ridon, kailangan pang ipaliwanag ng Vice President ang ilang kwestyonableng transaksyon na lumitaw sa pagsusuri ng mga dokumento kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Isa sa pangunahing tanong ni Ridon: “Bakit umano ginamit ang confidential funds para sa isang Christmas party?”
Kinuwestiyon din ni Ridon kung bakit ipinagkatiwala at ipinagkaloob umano ang malaking halaga ng cash sa mga security officer ni Duterte na sina Col. Raymund Lachica at Col. Dennis Nolasco.
Bunsod nito, maraming katanungan ang inihain ni Ridon laban kay VP Duterte matapos ang ika-14 na araw ng impeachment trial sa Senado kasunod ng mga bagong pahayag ni Commission on Audit–Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) Auditor Xylene Mae Del Campo.
“SDOs, pananagutin ba sa halip na ang agency head?,” tanong ni Ridon.
Ipinunto rin ng mambabatas ang usapin sa pananagutan ng mga Special Disbursing Officers (SDOs) na humawak sa confidential funds ng OVP at DepEd.
Tinanong ni Ridon kung ang mga disbursing officer ba ang tuluyang sasagutin sa mga kwestyonableng transaksyon upang maalis sa pananagutan ang mga opisyal na namuno sa dalawang ahensya.
Muling iginiit ng prosecution na kailangang matukoy kung sino ang mayroong aktuwal na responsibilidad sa pag-apruba, paggamit at liquidation ng confidential funds.
Bukod dito, binatikos ni Ridon ang ilang pangalan na lumitaw umano sa mga acknowledgment receipt at iba pang dokumentong isinumite bilang bahagi ng liquidation ng confidential funds.
Ayon sa mambabatas, may mga recipient na kapangalan umano ng ilang kasalukuyang senador, pangalan ng mga pagkain, at maging ng ilang kilalang artista.
Para sa House prosecution panel, nagdaragdag umano ito ng mga tanong hinggil sa pagiging maayos at kapani-paniwala ng mga dokumentong ginamit sa pag-liquidate ng confidential funds.
Iginiit ng prosecution na ang mga naturang ebidensya ay dapat masusing siyasatin ng Senate Impeachment Court upang matukoy kung may paglabag sa mga patakaran sa paggamit ng pondo ng bayan at kung sino ang dapat managot.
Samantala, nasa defense ni Duterte ang pagkakataong sagutin at kontrahin ang mga alegasyon at dokumentong iniharap ng prosecution sa pagpapatuloy ng impeachment trial.

