Congress

Dagdag-trabaho, serbisyo para sa seniors aprub sa House Committee

Mar Rodriguez Aug 12, 2026
26 Views

INAPRUBAHAN ng House Committee on Senior Citizens sa pangunguna ni United Senior Citizens Party List Rep. Milagros Aquino-Magsaysay ang pagsasama-sama ng ilang panukalang batas o “consolidated bills” na naglalayong palawakin ang mga oportunidad sa trabaho para sa mga senior citizen.

Kabilang sa inaprubahang consolidated bills ng nasabing Komite ang House Bills 7319, 7568, 8940, 9792, 10133 at 10138.

Ayon sa lady solon, kapag naisabatas, babaguhin ng consolidated bill ang Republic Act No. 7432 o Expanded Senior Citizens Act of 2010.

Ayon pa kay Aquino-Magsaysay, nananatiling mahalaga ang ambag ng mga senior citizen sa lipunan kaya dapat silang mabigyan ng pagkakataong patuloy na makilahok at makapaglingkod.

Binigyang-diin ng kongresista na layunin ng panukala na hindi lamang katawanin ang mga nakatatanda kundi tiyaking naririnig, isinasaalang-alang at naipapakita ang kanilang mga pananaw sa mga proseso ng paggawa ng desisyon lalo na sa antas ng komunidad.

Kaugnay nito, inanunsyo ni Aquino-Magsaysay na magsasagawa ang komite ng serye ng public hearings at konsultasyon kasama ang mga senior citizen group at iba pang stakeholder sa iba’t ibang bahagi ng bansa simula Setyembre.

Ang hakbang ay bahagi umano ng adhikain ng “Bagong Kongreso” ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na ilapit ang proseso ng paggawa ng batas sa mga mamamayan.

Inaprubahan din ng komite ang House Bill No. 190 na inakda ni Aquino-Magsaysay, na nag-aatas sa pagtatatag ng senior citizens day care center sa bawat barangay.

Layunin ng mga center na magkaroon ang mga nakatatanda ng lugar kung saan maaari silang makilahok sa iba’t ibang aktibidad, kabilang ang mga gawaing pangkabuhayan, awitan, sayawan at iba pang recreational activities.

Ayon kay Aquino-Magsaysay, makatutulong din ang mga pasilidad upang maprotektahan ang mga senior citizen na maaaring naiiwang mag-isa sa kanilang mga tahanan.

Inaprubahan din ng komite ang House Bill No. 780 ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” M. Ordanes.

Layunin nitong itaguyod ang kapakanan ng senior citizens at persons with disabilities (PWDs) sa pamamagitan ng pagsasama ng mga serbisyo para sa kanila sa “eGov PH Super App”.

Samantala, inatasan ng komite ang secretariat na maghanda ng substitute bill na magsasama sa House Bills 2020 at 6765.

Nakatuon ang mga panukalang ito sa regulasyon, accreditation at pagtatakda ng mga pamantayan para sa residential care facilities para sa senior citizens.