Bullying dapat i-report ng mga schools–Aquino

39 Views

AATASAN ang mga paaralan na iulat ang bullying at iba pang banta sa kaligtasan at magpatupad ng zero-tolerance policy laban sa bullying at iba pang tinukoy na mapaminsalang gawain sa ilalim ng panukala ni Senador Bam Aquino.

Sa Senate Bill No. 2390 o panukalang Comprehensive School Safety Act, kailangang agad suriin at tugunan ng mga paaralan ang mga naiulat na kaso ng bullying at iba pang usaping maaaring maglagay sa panganib sa mga mag-aaral at school personnel.

Sa ilalim ng panukala, aatasan ang Department of Education, kasama ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno at iba pang grupong may papel sa kaligtasan ng mga paaralan, na bumuo ng National Comprehensive School Safety Framework.

Magtatakda ito ng pambansang pamantayan para sa seguridad sa paaralan, mga hakbang laban sa bullying, kaligtasan online, suporta sa mental health, paghahanda sa emergency at pag-uulat ng mga insidente.

Bawat paaralan ay kailangan ding gumawa at taun-taong mag-update ng School Safety Plan na sasaklaw sa emergency procedures, hotlines, security facilities, online safety, mga aktibidad sa labas ng paaralan, pakikipag-ugnayan sa komunidad at monitoring.

Sasamahan ito ng mga hakbang para maiwasan ang pinsala, maprotektahan ang mga nanganganib, matulungan ang mga apektadong makabangon at maipatupad ang angkop na disiplina.

Kailangan ding magkaroon ng malinaw na proseso para maiwasan, matukoy, maiulat at agad matugunan ang bullying, cyberbullying, karahasan, pang-aabuso, diskriminasyon, harassment at iba pang banta sa kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.

Depende sa panganib na kinakaharap ng bawat paaralan, maaaring kabilang sa mga hakbang sa seguridad ang CCTV cameras, screening equipment at metal detectors, sistema sa pagkontrol at pagtatala ng mga bisita, security personnel, seguridad sa paligid ng paaralan at emergency alert systems.

Mag-aatas din ang panukala ng regular na pagsusuri sa kaligtasan, security monitoring, emergency drills, safety orientations at taunang pagrepaso sa mga hakbang at patakaran sa seguridad ng bawat paaralan.

Palalakasin din nito ang mga hakbang sa kaligtasan para sa mga aktibidad ng paaralan sa labas ng campus at laban sa online threats, kabilang ang cyberbullying.