Memorandum Larawan: PCO/FB

Gov’t offices sa ilang lugar sa Luzon WFH; alternative classes susundin

32 Views

Ipapatupad ngayong Agosto 14 ang alternative work arrangements sa mga tanggapan ng pamahalaan sa Metro Manila at ilang lalawigan bilang bahagi ng mga hakbang ng gobyerno kaugnay ng patuloy na sama ng panahon.

Batay sa Memorandum Circular No. 126, kabilang sa mga lugar na saklaw ng direktiba ang National Capital Region, Zambales, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna, Quezon at Occidental Mindoro.

Kasabay nito, ipatutupad din ang alternative learning modes para sa mga klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa mga nasabing lugar, maliban kung may ibang direktiba ang kani-kanilang local chief executive.

Hindi naman saklaw ng work arrangement ang mga ahensiyang nangangasiwa sa basic at health services, disaster preparedness and response, at iba pang mahahalagang serbisyo. Inatasan ang mga ito na ipagpatuloy ang operasyon at tiyaking maibibigay ang kinakailangang serbisyo sa publiko.

Para naman sa mga pribadong kumpanya, nasa pamunuan ang pagpapasya kung magpapatupad ng suspension of work o alternative work arrangements para sa kanilang mga empleyado.