Sunog Source: BFP Valenzuela City Fire Station

85 pamilya nawalan ng tirahan sa mahigit 4-oras na sunog sa Valenzuela

Edd Reyes Aug 17, 2026
225 Views
Sunog1
Source: BFP Valenzuela City Fire Station

TINUPOK ng apoy ang mga kabahayan sa sunog na sumiklab sa hindi pa batid na dahilan Lunes ng madaling araw sa Valenzuela City.

Sa tinanggap na ulat ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalina, nagsimula ang apoy na itinaas sa unang alarma dakong ala-1:54 ng madaling araw sa Sitio Kabatuhan, Barangay Gen. T. de Leon, na umabot sa ikatlong alarma alas-2:12 sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy sa mga dikit-dikit na kabahayan na pawang gawa sa light materials.

Ayon kay City Fire Marshal F/Supt. Ma. Theresa Alqueza, kabilang sa mga nasunugan ang rumespondeng fire volunteer na si Jeckster Quiamco, na walang naisalbang gamit dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy bagamat ligtas naman ang kanyang pamilya.

Dakong alas-4:44 ng madaling araw ng makontrol ang apoy hanggang tuluyang maapula ng alas-6:05 ng umaga.

Umabot sa 85 pamilya ang naapektuhan ng sunog na pansamantala ngayong nanunuluyan sa San Roque Chapel at sa covered court ng Brgy, Gen. T. De Leon kung saan sila pinadalhan ni Mayor Gatchalian ng mainit na pagkain at mga pangunahing pangangailangan.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga arson investigator upang matukoy ang sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng mga ari-arian na natupok ng apoy.