Calendar
Pinoys tuturuan ng urban agriculture ng TESDA, DA
NAGSANIB puwersa ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Agriculture (DA) upang turuan ang mga Pinoy ng urban agriculture.
Pinagtibay ng TESDA at DA ang pagtutulungan sa pamamagitan ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP) ng Bureau of Plant Industry (BPI) na bubuo ng mga programa sa pagsasanay at sertipikasyon na magbibigay sa mga indibidwal ng praktikal na kasanayan sa makabagong produksyon, seguridad sa pagkain, katatagan sa pagbabago ng klima at sapat na kabuhayan.
Ayon kay TESDA Secretary Kiko Benitez, ang sapat na kaalaman ay bahagi ng paglikha ng oportunidad sa mamamayan kaya’t binibigyan nila ang mga Pinoy ng kasanayan na magagamit sa pag-unlad ng kanilang buhay.
Sinabi ni DA Secretary Tiu Laurel na nakaugat ang inisyatiba sa likas na pagiging malikhain ng mga Pinoy na nakita noong COVID-19 pandemic.
Tinaniman ng mga tao ng gulay ang mga rooftop, bakanteng lote, at iba pang hindi nagagamit na espasyo noong pandemic period.
Itinatag ng TESDA ang isang complex sa Taguig na magtatampok ng mga makabago at climate-smart na teknolohiya sa pagsasaka tulad ng hydroponics, vertical farming, container gardening, composting at iba.

