Calendar
Lacson: Senate majority pabor sa impeachment trial sa hapon
PABOR ang mga senador sa majority bloc na gawing hapon ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio upang magkaroon ng mas mahabang oras para sa pagdinig, ayon kay Senator-judge Panfilo “Ping” Lacson.
Hindi pa pinal ang panukalang iskedyul, dagdag ng senador.
Sa initial arrangement, idaraos ang regular na sesyon ng Senado tuwing Lunes hanggang Miyerkules mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon at sisimulan ang impeachment trial ng alas-2:30 ng hapon.
Inaasahang tatalakayin ng mga senador ang panukala sa isang caucus sa susunod na linggo at kokonsultahin din ang minority bloc bago magkaroon ng kasunduan.
“Definitely Monday to Wednesday next week, umaga pa rin ang impeachment trial,” ani Lacson.
Kung magkakasundo ang mga senador, maaaring ipahayag ang pagbabago sa Agosto 26 para maipatupad sa susunod na linggo.
Karaniwang inaanunsyo tuwing Miyerkules ang iskedyul ng trial upang magkaroon ng sapat na panahon ang prosecution at defense na maghanda.
Pabor ang majority bloc sa pagbabago dahil kailangang ihinto ang kasalukuyang impeachment trial sa umaga upang bigyang-daan ang regular na sesyon ng Senado sa hapon.
“Sa akin mas practical ‘yan at ‘yan din (ang) sentiment ng kasama ko sa majority,” dagdag niya.
Maaaring tumagal ang impeachment trial hanggang alas-7:30 ng gabi at umabot hanggang alas-10:00 o alas-11:00 kung kinakailangan.
Maaari ring baguhin muli ang ayos kung may mahalagang usapin na kailangang bigyan ng mas mahabang oras.
Sa kasalukuyang takbo ng paglilitis, hindi niya nakikitang matatapos ang trial bago ang Disyembre.
Hindi pa aniya natatapos ng prosecution ang paglalahad ng kaso nito sa ikalawa sa apat na articles of impeachment.

