Jeep

Salpukang jeep-motor na ikinadedo ng rider iniimbestigahan na ng LTFRB

Jun I Legaspi Aug 23, 2026
155 Views

SINIMULAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang imbestigasyon sa aksidenteng kinasangkutan ng pampasaherong jeep na sumalpok at nakapatay sa babaeng rider sa San Mateo, Rizal noong Agosto 20.

Naglabas na ang LTFRB ng show cause order (SCO) laban sa operator ng jeep at inatasang isuko ang plaka ng sasakyan bago ang unang pagdinig sa kaso sa Setyembre 4.

Ayon kay acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, nakasaad sa SCO ang 30-araw na pagsuspinde sa operasyon ng jeep habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Sa SCO, pinagpapaliwanag ng LTFRB ang operator kung bakit hindi dapat bawiin ang prangkisa nito dahil sa ilang paglabag, kabilang ang pagkuha ng reckless driver.

Mabilis umano ang takbo ng driver ng jeep (TWS 560) habang nagtatangkang magsakay ng mga pasahero.

Sunod-sunod din umano itong nag-overtake at napunta sa kabilang linya ng kalsada hanggang sa hindi naiwasan ang 43-anyos na babaeng rider.

Idineklarang patay ang babaeng rider dahil sa malubhang injuries.

Hiwalay ang imbestigasyon ng LTFRB sa isinasagawa ng iba pang ahensya, kabilang ang Philippine National Police (PNP), kaugnay ng pananagutang kriminal ng driver.

“Nalulungkot tayo sa insidenteng ito at ipinapaabot namin sa pamilya ng rider ang aming pakikiramay. Tinitiyak namin sa pamilya na paiigtingin at pabibilisin namin ang imbestigasyon para sa pananagutan at katarungan,” sabi ni acting Chairman Pua.