Calendar
Acosta di masabi kung bakit siya 2 beses pinili ni VP Sara
KINUWESTYON ng House prosecution panel ang kwalipikasyon ni Gina Acosta bilang Special Disbursing Officer (SDO) matapos aminin ng dating opisyal ng Office of the Vice President (OVP) na hindi niya alam kung bakit siya dalawang beses pinili ni Vice President Sara Z. Duterte upang humawak ng confidential funds.
Naging SDO si Acosta ng confidential funds ng Davao City noong alkalde pa si Duterte, bago nito muling gampanan ang parehong tungkulin sa OVP nang maging Bise Presidente si Duterte.
Sa redirect examination, tinutukan ni House prosecution counsel Atty. Amando Virgil Ligutan ang educational background at kawalan ng specialized training ni Acosta sa confidential operations, sa kabila ng paghawak niya bilang accountable officer sa ₱500 milyon na confidential funds ng OVP.
Ayon kay Acosta, nagtapos siya ng Customs Administration sa MATS College of Technology sa Davao City ngunit hindi kumuha ng licensure examination.
Inamin din nito na wala siyang naging training sa confidential operations. Gayunman, sinabi niyang wala namang partikular na requirement sa umiiral na rules na kailangang magkaroon ng naturang training ang isang SDO.
Dahil dito, tinanong ni Ligutan kung bakit siya ang pinili ni Duterte upang humawak ng confidential funds kapwa sa Davao City at sa OVP.
Mismong Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero ang naglinaw ng tanong:
“Kung wala kayong training sa confidential activities, bakit po kayo ang napili bilang SDO para panghawakan ang confidential fund? Hindi lamang ng OVP, pati ng sa Davao po?”**
Ang naging sagot naman ni Acosta ay: “Hindi ko alam po, Your Honor, kung bakit ako po ang kinuha ng Vice Presidente as SDO.”
Nang tiyakin ni Escudero kung kapwa sa OVP at Davao City siya pinili, sinabi ni Acosta: “Opo. Sa dalawa po, Your Honor.”
Ipinunto rin ni Ligutan kung paulit-ulit na pinili si Acosta dahil sumusunod umano siya sa mga utos ni Duterte.
Una itong tinutulan ng defense dahil umano’y argumentative ang tanong. Matapos itong baguhin ang pagkakalahad, tinanong si Acosta kung sa tingin niya ay ang pagsunod sa mga utos ang dahilan kung bakit siya itinalagang SDO sa Davao City at OVP.
“Hindi ko alam, Your Honor,” sagot niya.
Muling iginiit ni Ligutan kung hindi ba niya masasabing napili siya dahil sinusunod niya ang lahat ng ipinag-uutos sa kanya.
“Hindi ko alam, Your Honor. Basta ako, ginagawa ko lang, Your Honor, ang aking pagiging SDO,” sagot ni Acosta.
Kinuwestiyon din ni Ligutan kung hindi man kailangan ang specialized training, dapat ay mayroon pa ring sapat na “common sense” ang isang SDO na pinagkakatiwalaan ng isang Bise Presidente sa confidential funds.
“Hindi po ba, bilang SDO, at least naman lang ma’am, required na yung SDO na pinipili ng isang Vice President, eh may common sense?” tanong ni Ligutan.
Direktang sagot ni Acosta: “May utak po ako, Your Honor.”
Lumabas ang pagtatanong matapos iharap ni Ligutan ang Joint Circular 2015-01 na naglalarawan sa SDO bilang pinuno ng ahensya o regular na empleyadong itinalaga ng agency head upang mangasiwa sa paglalabas ng confidential funds.
Iginiit ni Acosta na siya ang aktuwal na nag-disburse ng pera habang si Col. Raymund Dante Lachica, na itinalagang security officer ni Duterte, ang nagsagawa o nagpatupad ng confidential activities.
“Ako po ang nag-disburse, Your Honor. Hindi po siya ang nag-disburse, siya lang po ang nag-implement,” ani Acosta.
Nauna nang inamin ni Acosta na naglabas siya ng apat na cash tranche na tig-₱125 milyon o kabuuang ₱500 milyon na confidential funds ng OVP mula Disyembre 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023.
Samantala, hindi umano fidelity-bonded si Lachica, habang nanatiling accountable officer si Acosta para sa naturang pondo.
Si Acosta ang unang hostile witness ng prosecution sa impeachment trial laban kay Duterte.

