Calendar
QC cops bumira; 133 kriminal tiniklo
UMABOT sa 133 katao ang naaresto ng Quezon City Police District (QCPD) sa operasyon kontra ilegal na droga, wanted persons, ilegal na armas at sugal sa iba’t- ibang bahagi ng Quezon City noong Agosto 16-22.
Sa ulat ng QCPD sa pamumuno ni PBGen. Randy Glenn Silvio, pinakamarami sa mga nasakote ang sangkot sa ilegal na droga.
Nagsagawa ng 39 operasyon ang QCPD na nagresulta sa pagkakadakip sa 56 suspek at pagkakasamsam ng tinatayang P471,122 na halaga ng droga.
Samantala, 34 wanted persons ang naaresto sa manhunt, kabilang ang 11 most wanted at 23 iba pang wanted persons.
Walo ang nadakip sa mga operasyon kontra ilegal na armas at walong baril ang nakumpiska.
Nasa 35 katao ang nasakote sa 24 operasyon laban sa ilegal gambling.
Nakumpiska rin ang P10,499 na bet money mula sa mga operasyon.
Kabilang sa mga nahuli si alyas Jimbo, na 10 taonnagtago matapos maaresto sa bisa ng warrant of arrest dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Naaresto rin si alyas Reko dahil sa kasong rape at walong taong nakapagtago sa mga awtoridad.
Nahuli ng Talipapa Police Station 3 si alyas Jojo dahil sa frustrated homicide.
Ayon sa QCPD, isinailalim sa kaukulang dokumentasyon ang lahat ng naaresto at isinampa na ang mga kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office kaugnay ng paglabag sa RA 9165, RA 10591 at PD 1602.
Sinabi ni Silvio na magpapatuloy ang QCPD sa operasyon upang mapanatili ang kapayapaan sa Quezon City.
