Calendar
Gatchalian isinusulong mas malawak na OTOP implementation para suportahan exports, trabaho
NANAWAGAN si Senate President Sherwin Gatchalian ng mas malawak na pagpapatupad ng One Town, One Product Philippines Act at mas matibay na pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor upang suportahan ang micro, small and medium enterprises o MSMEs sa pagpapaunlad ng mga lokal na produkto.
Sa paggunita ng Philippine Products Week, sinabi ni Gatchalian na dapat palakasin ang suporta sa MSMEs upang mapalawak ang kanilang produksyon at makagawa ng mga produktong maaaring maibenta sa pandaigdigang merkado.
Binigyang-diin niya ang Republic Act No. 11960 o One Town, One Product Philippines Act, na kanyang co-authored.
Ayon kay Gatchalian, kailangang komprehensibong ipatupad ang batas upang matulungan ang MSMEs na paunlarin at palawakin ang produksyon ng mga lokal na produkto.
Sinabi niyang ang paggawa ng mga produktong pasok sa international standards ay maaaring makatulong sa pagpapalawak ng exports at paglikha ng trabaho.
“Ang pagpapalakas ng pagbuo ng mga produktong sariling atin para sa pandaigdigang merkado ay mahalaga para maprotektahan ang ating ekonomiya. Kapag nagawa nating globally competitive ang mga lokal na produktong gawa ng ating mga komunidad, hindi lang tayo nagbebenta ng mga produkto. Lumilikha rin tayo ng pangmatagalang trabaho para sa ating mga kababayan,” ani Gatchalian.
Iniugnay ni Gatchalian ang kanyang panawagan sa mabagal na paglago ng ekonomiya at kawalan ng katiyakan sa pandaigdigang pananalapi.
Ayon sa kanya, maaaring makatulong ang mas maraming export-quality Philippine products sa paglikha ng trabaho at pagpasok ng dollar revenues sa bansa.
Hinimok niya ang gobyerno at pribadong sektor na palakasin ang suporta sa MSMEs upang makapagpaunlad at makapagpalawak ng mga produktong maaaring ibenta sa international market.
